MAHIGIT dalawang linggo na lamang bago magpalit ng administrasyon ay nakakuha ang Pilipinas ng 2.34 billion renminbi o P17.39 billion na loan mula sa China para sa Samal Island-Davao City Connector (SIDC).
Ayon sa Department of Finance (DOF), nakipagpalitan si Secretary Carlos Dominguez III ng mga dokumento kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian para sa concessional loan na magpopondo sa 3.86-kilometer two-way, four-lane bridge.
Ito ang unang renmimbi-denominated loan mula sa Beijing sa ilalim ng administrasyong Duterte at sasaklawin nito ang 90% ng design-and-build contract ng proyekto na nagkakahalaga ng P19.32 billion.
Ang loan ay may 2% annual interest rate at maaaring bayaran sa 20 taon, kabilang ang grace period na pitong taon.
Ayon sa DOF, sa bagong pautang, ang total financing commitments ng Beijing sa bansa ay umabot na sa $1.1 billion. Ang iba pang mga proyekto na pinondohan ng China ay kinabibilangan ng Chico River pump irrigation, Kaliwa Dam, at project management consultancy para sa Philippine National Railways Bicol.
Ang SIDC project ay pandagdag sa Mindanao Spatial Strategy/Development Framework 2015-2045, sa Davao Regional Development Plan, at sa Davao Gulf Area Development Plan 2011-2030.
“Davao City’s economic prospects could only get better with this project. This will catalyze the region’s growth potential by enhancing mobility, easing access to tourism activities in Samal, and opening more opportunities for employment,” sabi ni Dominguez
Sinabi ni Huang na ang proyekto ay magpapahusay sa transportation efficiency, magsusulong sa internal mobility, at magpapasigla sa turismo.
Libo-libong trabaho rin, aniya, ang lilikhain ng proyekto.