APRUBADO sa National Economic and Development Authority (NEDA) Board ang P270-billion na halaga ng mga proyekto para sa tourism at healthcare sectors.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, inaprubahan ng Board na pinamumunuan ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang public-private partnership (PPP) projects sa kanilang pagpupulong nitong Biyernes.
Sa isang briefing, sinabi ni Balisacan na kabilang sa “high-impact programs at projects” na inaprubahan ng NEDA Board ang pag-upgrade sa Bohol-Panglao International Airport na may project cost na P4.5 billion.
Target ng proyekto na mapalawak ang gateway para ma-accommodate ang 3.9 milyong pasahero kada taon, na mas mataas sa kasalukuyang dalawang milyong kapasidad nito. Inaprubahan din ng NEDA Board ang mga pagbabago sa halaga at implementation timeline ng 32.15-kilometer Bataan-Cavite Interlink Bridge project.
Ang implementation period ay pinalawig sa December 2029, habang ang project cost ay itinaas sa P219.3 billion.
“It would have been completed by 2027 or 2028 but because of COVID, it was delayed for almost two years,” ani Balisacan.
Para sa health industry, inaprubahan ng NEDA Board ang Dialysis Center PPP Project for the Renal Center Facility ng Baguio General Hospital and Medical Center, na pinakamalaking government-funded tertiary hospital sa Cordillera Administrative Region na nagkakahal- aga ng P392 million.
Ang iba pang proyekto na inaprubahan ay ang Green Economy Program in the Philippines (GEPP) at ang mga pagbabago sa investment, scope, at timeline ng Cebu Bus Rapid Transit.