APRUBADO sa mga mall operator na palawigin ang kanilang operating hours sa Christmas season, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos.
Sa isang radio interview, sinabi ni Abalos na iminungkahi niya ang pagpapalawig sa mall hours dahil sa pagdami ng mga sasakyan sa EDSA na, aniya, ay maaaring magresulta sa pagsisikip ng trapiko.
“Pumayag naman ang mga malls,” ayon kay Abalos.
Gayunman, sinabi ni Abalos na nababahala ang mga mall operator sa curfew at sa limited capacity na pinapayagan sa public utility vehicles (PUVs).
Ani Abalos, nagdesisyon na ang Metro Manila mayors hinggil sa curfew, at ilalabas ang resolution hinggil dito sa mga susunod na araw.
Para sa limited capacity sa mga pampublikong sasakyan ay itinaas na, aniya, ito ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases sa 70% simula sa Nobyembre 4.
Nauna rito ay hiniling ni Abalos sa mga mall operator na i-extend ang kanilang operating hours para mapagaan ang trapiko at matulungan ang ekonomiya.
Iminungkahi rin niya ang pagtatakda ng sales sa weekends at holidays lamang, at hindi tuwing weekdays.