ARANAS, CHUA HARI SA 2023 WORLD CUP OF POOL

pool

MAKALIPAS ang 10 taon ay muling naghari ang mga Pinoy sa World Cup of Pool.

Nakopo ng tambalan nina James Aranas at Johann Chua ang kampeonato sa 2023 World Cup of Pool makaraang dispatsahin ang German pair nina Joshua Filler at Moritz Neuhausen, 11-7, sa finals nitong Linggo sa Spain.

Bago sa Germany, ang Pilipinas ay namayani laban sa Austria, 9-8, sa semifinals, at sa Chinese Taipei, 9-8, sa quarterfinals.

Sina Aranas at Chua ay pumasok sa torneo na unseeded.

Sa panalo ay mag-uuwi ang dalawa ng $60,000 top purse.

Ang Pilipinas ang may pinakamarami ngayong titulo na napanalunan sa World Cup of Pool na may apat sa kabuuan.

Huling naghari ang mga Pinoy sa torneo noong 2013 nang katawanin nina Dennis Orcollo at Lee Vann Corteza.

Sinamahan din nila ang company nina billiards legends Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante.

Ang legendary pair ay nagwagi sa inaugural staging ng Cup sa Wales noong i2006 at sinundan ito ng isa pang titulo sa Pilipinas pagkalipas ng dalawang taon.