(Ardot natagpuang patay sa Ozamiz detention cell) RESTRICTIVE CUSTODY SA POLICE CHIEF, MGA TAUHAN

Ricardo Parojinog

IPINASAILALIM ni PhiIippine National Police (PNP) Chief Gen. Camilo Cascolan sa restrictive custody ang lahat ng naka-night duty na pulis kabilang ang hepe ng Ozamis Police Station matapos matagpuang patay sa loob ng kanyang selda si dating Ozamiz City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog kahapon ng umaga.

Gayundin, ang PNP Custodial Center security team sa pamumuno ni Lt. Col. Jiger Noceda ay nais ni Cascolan na paimbestigahan.

Bagaman, sinabi ni Cascolan na wala namang gulong naganap sa loob ng selda, dapat siyasating mabuti ang biglang pagkamatay ni Ardot na drug suspect at sinasabing nasa likod ng drug syndicate sa loob ng kulungan.

Nakatakda sanang dumalo kahapon sa court hearing si Ardot kung kaya’t inilipat muna ito sa Ozamiz detention cell mula sa PNP Custodial Center noong Huwebes.

Si Ardot ay kapatid ng napatay na si dating Ozamiz City Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog Sr. matapos itong makatakas sa isinagawang anti-drug operation ni dating Ozamiz City Police Station Commander Lt. Col. Jovie Espenido na kasama sa drug matrix na hawak ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nahaharap sa patung-patong na kasong kriminal si Ardot bago ito naaresto habang nagtatago sa Taiwan kung saan siya nalambat ng Tai-wanese autho­rity sa kasong illegal alien noong Mayo 2018.

Kontrobersiyal ang pamilya Parojinog dahil sila ang sinasabing nasa likod ng Kuratong Baleleng Gang at mga bank robbery, illegal drug trade at gun-for-hire activities sa iba’t ibang bahagi ng bansa. VERLIN RUIZ

Comments are closed.