ARMAS NG PULIS ‘DI BUBUSALAN SA PAGSALUBONG SA BAGONG TAON

PNP BARIL

CAMP CRAME – PARA kay Philippine National Police (PNP) Chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde, simboliko na lamang ang naging tradisyon na pagbubusal sa mga armas tuwing magpapalit ng taon at mistulang paalala lamang ito sa mga pulis na huwag gawing “laruan” ang kanilang service firearms tuwing sasapit ang nasabing okasyon kung saan patok ang putukan.

Aniya, hindi na magkakaroon ng seremonya para sa sabayan at malawakang pagbubusal ng armas ang mga pulis kundi isang mahigpit na tagubilin na lamang ang gagawin ni Albayalde sa kanyang halos 200,000 tauhan na huwag gamitin ang baril sa walang kapararakan o walang katuturan.

Paliwanag ni Albayalde, kahit pa magkaroon ng ceremonial sealing sa mga service firearm, kung mayroong pulis na matigas ang ulo, gagawa ito ng paraan para makapagpaputok.

“Hindi naman nila gagamitin ang inisyung baril pero mayroong may personal na armas at ito ang kanilang ginagamit kaya mas mabu­ting i-monitor na lamang at isa rin itong test para sa mga pulis kung kayang pigilan ang sarili,” ayon pa kay Albayalde.

Naniniwala naman ang PNP chief na susunod ang pulisya sa hangaring mai­pagdiwang ang Kapaskuhan nang matiwasay.

Magugunitang sa mga nakalipas na pagseselyo sa mga armas, tiniyak ng pulisya na walang gagamit ng baril sa pagsalubong ng bagong taon subalit may naitatala pa rin na namamatay dahil sa ligaw na bala.

Samantala, nilinaw din ni Albayalde na sa Metro Manila ay laging full alert ang pulisya upang matiyak na ligtas ang mamamayan laban sa mga mapagsamantala.           EUNICE C.