CAMP CRAME – PARA kay PNP Deputy Chief for Operations, Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, mas makabubuting pagkatiwalaan ang pulisya hinggil sa pagbabantay sa kapayapaan ngayong Holiday season.
Ginawa ni Cascolan ang pahayag nang tanungin siya hinggil sa magiging takbo ng police operations ngayong Kapaskuhan partikular sa pag-iwas sa indiscriminate firing na kadalasan ay ibinibintang sa mga pulis.
Aniya, bilang hepe ng Operations ng PNP, dapat pagkatiwalaan ang pagtugon ng PNP sa kanilang handbook operation dahil mayroon naman silang sinusunod na protocol hinggil sa paghawak ng armas.
Hindi rin aniya garantiya na kapag binusalan ang armas ng mga pulis ay wala nang indiscriminate firing at mas makabubuting magtiwala na tama ang ginagawa ng mga law enforcer.
“Mas maganda po na pagkatiwalaan natin ang mga tao natin (pulisya) but we will be alert, we have directives (laban sa indiscriminate firing), mas maganda nga sa mga previous year walang muzzle taping of firearms pero kakaunti o wala namang report ng firing incident,” ayon kay Cascolan.
Inirekomenda rin ni Cascolan na kasabay ng hindi pagbubusal sa mga service firearms ng mga pulis ang pagsunod sa Enchanced Managing Police Operations (E-MPO) dahil kumpleto na aniya ang nilalaman ng programa.
“Kumpleto na kasi ang E-MPO dahil naroon na ang regular law enforcement activities gaya ng anti-criminality programs, crime investigation and solution at internal cleansing,” paliwanag ni Cascolan.
Samantala, nananatiling mapayapa pangkalahatan ang bansa mula nang itaas sa full alert ng PNP ang kanilang puwersa sa Luzon at Visayas simula noong alas-6 ng umaga ng Disyembre 15 para sa 21-day PNP alert para sa Simbang Gabi.
Ang paglalagay sa full alert sa Visayas at Luzon ay kautusan ni Officer-in-Charge PNP Lt. Gen. Archie Gamboa para matiyak na ligtas ang pagtungo ng mga mananampalataya sa mga Simbahan dahil sa Misa de Gallo na kadalasang nagaganap tuwing madaling araw o hatinggabi. EUNICE C.
Comments are closed.