NAGWAGI ang Philippine Army team ng dalawang gold medals sa 11th Korea Open Busan International Dragon Boat Festival sa Suyeong River, APEC Naru Park, Haeundae noong Sept. 1-4.
Nadominahan ng Dragon Warriors ang 200-meter at 300-meter events sa Premiere Open, Small Boat category.
Naorasan ang Pilipinas ng 51.294 seconds upang mangibabaw sa 200-meter event.
Pumangalawa ang Classic Dragon Boat Team ng United Arab Emirates (52.105s), sumunod ang Ching Fung Dragon ng Hong Kong (52.145s) at CNU Watersport Club ng Taiwan (53.367s).
Sa 300-meter race, ang Army ay nagtala ng pinakamabilis na oras na 1:15.796, ginapi ang CNU Watersport and Cheng-Chu Unity na pumangalawa (1:19.384), kasunod ang Chinese Banquet C.E. Dragon (1:21.677) at Qatar Dragon Boat Association (1:22.077).
May kabuuang 16 koponan mula sa 12 bansa, kabilang ang United States, Singapore, United Arab Emirates, Taiwan, Guam, Malaysia, Qatar, China, Canada, Hongkong at Philippines, ang lumahok ngayong taon.
-(PNA)