(Army, Navy, Air force nakaalerto) 8 PATAY, 866K APEKTADO NG BAGYONG CARINA, HABAGAT

UMAKYAT na sa walo katao ang inulat na nasawi bunsod ng pinagsanib na epekto ng southwest monsoon o habagat at tropical cyclone Butchoy at Carina sa malaking bahagi ng bansa habang nasa mahigit 800,000 naman ang apektado.

Kahapon ay naglabas ng babala ang National Disaster and Risk Reduction Management Council sa posibleng mga pagbaha sa ilang lugar sa Luzon dala ng walang tigil na mga pag-ulan kaya pinag-iingat ang sambayanan.

Sa inilabas na situation report ng NDRRMC nitong Martes, pito sa walong iniulat na nasawi ang nakumpirma na.

Apat ang nagmula sa Zamboanga Peninsula at tig-iisa sa Northern Mindanao, Davao Region, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Nagpapatuloy pa ang pagbeberipika sa ulat na may isa pang nasawi sa BARMM kasama ang dalawang sugatan at isang nawawala sa Region 10.

Kabilang din dito ang Ilocos Norte sa Region 1, Zambales, Bataan, Pampanga at Bulacan sa Central Luzon, at probinsya ng Romblon sa MIMAROPA.

Ayon sa NDRRMC, nagbabanta ang matinding pag-ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa sa mga naturang probinsya.

Dahil dito ay pinag-iingat ng NDRRMC ang publiko laban sa mga naturang banta.

Pinayuhan din nito ang publiko na bantayan ang mga bagong direktiba o abiso ng mga lokal na pamahalaan.

Samantala, apektado ang 179,744 pamilya o 866,483 katao mula sa 642 barangay sa Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Caraga at BARMM dahil sa masamang panahon.

Hindi kasama sa ulat ang mga isinagawang preventive evacuation sa NCR particular sa Maynila kung saan ilang libong katao ang inilikas at dinala sa ilang evacuation centers.

Nabatid na kahapon ay inalerto ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang tatlong major service command para magsagawa ng mga paghahanda at prepositioning ng kanilang mga asset dahil sa posibleng paglulunsad ng humanitarian and disaster response sa mga apektadong lugar.

Ayon kay Army commanding General Lt Gen Roy Galido , inatasan niya ang lahat ng Army Major Units and line units na makipag ugnayan sa mga regional, provincial at municipal disaster and risk reduction management offices para maging bahagi ng Incident Command System (ICS) na pakikilusin sa mga Areas of Operations and

Responsibilities na maapektuhan ng Bagyo.

Inalerto naman ni Air Force commander Lt Gen Stephen Parreño ang kanilang Tactical Operations Wing Northern Luzon, Tactical Operations Group 1, 2, at 3 na magsipaghanda sa posibleng Humanitarian Assistance and Disaster Response sa pakikipag-ugnayan sa mga local Office of Civil Defense.

Bulod dito ay may anim na Rapid Response Teams ang PAF na nakaposisyon sa key locations sa Clark, Laoag, Palawan, Davao, Mactan, at Zamboanga na pawang bihasa, sanay, may mga karanasan at fully equipped para sa emergency response.

Maging ang Philippine Navy ay pinakilos din kahapon ni Vice Admiral Toribio Adaci na magsagawa ng mga kinakailangan paghahanda sa posibleng magiging epekto ng Bagyong Carina. VERLIN RUIZ