ARWIND MASAMA ANG LOOB SA TRADE?

on the spot- pilipino mirror

MUKHANG  natataranta ang PBA ngayon kaya binago na ang rules sa pagtanggap ng Fil-foreigners na nais maglaro sa liga.

Tama naman ang ginawa ng liga, sa pangnguna ni Chairman Ricky Vargas.

Masyado kasing mahigpit sa pagkuha ng Fil-foreigners na nais makasama sa PBA draft. Alam naman natin dito sa bansa napakahigpit. Pagkuha lang ng certificate sa, DOJ at Immigration ay aabutin ng buwan.

Ngayon, basta legitimate na half Pinoy ay puwede nang makasama sa draft. Saka pitong Fil-foreigners na ang puwede sa isang team.

Aware ang liga sa mga mahuhusay na Pinoy players na pina-pirate ng mga

international league, lalo na ang Japan B. League na walang tigil sa pagkuha ng mga manlalaro natin para maging import. Hindi lang mga basketball player kundi pati ang mga volleyball player.



Magandang balita para sa fans ng PBA na puwede na silang manood ng live. Magsisimula sa November 28 ang Governors’ Cup sa Ynares Pasig.

Ang makakapanood ay yaong mga fully vaccinated lamang at 50% lang ang capacity ng audience.

Tanong naman ng mga walang vaccine, hindi ba ‘unfair’ ‘yon? Ano sa palagay n’yo, PBA at IATF?



Na-trade na rin si Art dela Cruz Jr. ng Barangay Ginebra sa NorthPort Batang Pier kapalit ni Sidney Onwubere. May talo ba sa palitan ng dalawang players? Sa sarili kong opinion, waging-wagi dito ang Gin Kings. Si Dela Cruz ay prone sa injury, pero malay naman natin at magbago ang kapalaran ni Art ngayong conference. Mahusay ang laro ng dating San Beda player. Good luck, Art.



Hindi raw akalain ni Arwind Santos na mangyayari na mai-trade siya sa ibang team. At hindi rin niya naisip na bibitiwan siya ng San Miguel team sa 12 taon niyang paglalaro rito.

Buong akala ng Kapampangang player ay sa Beermen na siya magreretiro. Kaso sa ‘di inaasahang pangyayari ay pinakawalan siya ng SMB. Kahit nasa 40 na si Santos ay malakas pa rin siyang maglaro at mabilis  pa siyang kumilos sa hardcourt.

Hindi lang naman kay Arwind nangyari ito kundi maging sa iba pang mga dating  player ng  SMB na matagal ding  naglaro sa  team. Tulad nina Alvin Teng, Danny Seigle, Danny Ildefonso, at Alex Cabagnot. Ngunit si Cabagnot ay nakabalik sa SMB. Kaya lamang ito na-trade sa Giobalport ay para makuha lang si Chris Ross.

Ang tanong, sino kaya ang susunod kay Santos?