ASAWA NG KAPITAN PINABOTO MUNA BAGO ITINUMBA

dead on arrival

MISAMIS ORIENTAL – DEAD on arrival sa pagamutan ang isang opisyal  ng barangay at asawa ng kasalukuyang barangay chairman nang barilin ito matapos na makaboto kahapon.

Ayon sa report ng Clarin Municipal Police station, katatapos lamang iboto ni  Kagawad Rick Isidro Moreno ng Barangay Poblacion Uno ang kanyang napipisil na partido ng likidahin siya ng hindi pa nakikilalang suspek.

Lumitaw sa pagsisiyasat na pauwi na sana sa kanilang tahanan ang biktima mula sa sa kaniyang polling precinct sa Antero Uy Elementary School nang isagawa ng salarin na nakasuot ng helmet ang pananambang.

Ayon kay Police Captain Luceno Labares Jr., ang officer-in-charge ng Clarin Municipal Police Station, nagtamo ng 3 tama ng bala sa ulo at braso ang biktima.

Nagawa pang maitakbo sa ospital si Moreno subalit idineklarang dead on arrival ito.

Narekober naman sa crime scene ang 3 bala ng kalibre .45 na baril.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulis para matukoy ang salarin at kung ano  ang motibo nito para patayin ang barangay official. VERLIN RUIZ