ASEAN DAPAT MAMAGITAN SA SIGALOT NG PILIPINAS AT CHINA SA WPS- UP PROF

IGINIIT  ni University of the Philippines (UP) Professor Roland Simbulan na dapat ay mamagitan na ang mga karatig bansa ng Pilipinas sa South East Asia (SEA) at mga kasapi sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) upang pahupain ang tensyon na namamagitan sa Pilipinas at China sa isyu sa West Philippine Sea (WPS) dahil kapag nagkagulo ay siguradong damay rin sila.

“ASEAN would have to get involve if it wants peace. Kasi kung papabayaan yan lalong magiging tension.

Magbabakbakan, damay sila.Trade, tourism damay, damay lahat,” ito ang pahayag ni Simbulan sa eksklusibong panayam ng Pilipino Mirror sa book launching ng kanyang ground breaking work na “The Bases of our Insecurity” na itinaon sa kanyang 70th birthday celebration noong Hulyo 6 sa Universtity Hotel, Quezon City.

Hindi aniya maaaring manatiling neutral ang ASEAN sa isyu ng Pilipinas at China lalo pa at madadamay ang lahat ng nasa rehiyon kung lumalim pa ang sigalot at magkaroon ng kaguluhan na maaaring mauwi sa digmaan ayon kay Simbulan. Ito ay sa gitna ng balitang pag- iwas ng mga karatig bansa ng Pilipinas sa SEA, na ayaw magkomento sa naturang suliranin.

Patuloy ang pagiging iwas pusoy ng mga naturang bansa bagamat ang iba sa mga karatig bansa ng Pilipinas ay apektado sa idineklara ng China na 9 dash line, kung saan 90 porsiyento ng karagatan sa WPS ay inaangkin na nito.

Kabilang sa inaangkin ng China na bahagi ng karagatan sa kanilang 9 dash line na polisiya ay ang may maritime domain ang Pilipinas sa Exclusive Economic Zone (EEZ). Pinaboran ng International Tribunal sa Hague ng 2016 ang Pilipinas na ang naturang EEZ na inaangkin ng China ay bahagi ng soberanya ng bansa, subalit hindi kinilala ng China ang naturang international ruling. Bagamat pinalagan ng ilang bansa sa SEA tulad ng Vietnam, Malaysia, at Indonesia ang 9 dash line ng China na umaangkin din sa bahagi ng kanilang EEZ, nanatiling nakatuon ang mga agresibong aksyon ng China sa Pilipinas. Noong Hunyo 15 ay nagsimula na ang pagpapatupad ng polisiya ng Chinese Coast Guard (CCG) na aarestuhin nito at ikukulong nang walang trial mula 30 hanggang 60 araw ang sinumang dayuhan na itinuturing nilang trespassers sa bahagi ng South China Sea na kanilang inaangkin.Nagdulot ito ng pangamba sa mga mangingisda na patuloy na umiiwas sa pangingisda sa bahagi ng EEZ na inaangkin ng China na may fishing rights sana ang mga Pilipinong mangingisda.

Noong nakaraang linggo, nagbigay babala si Simbulan na ang pagpayag ng Pilipinas na pabalikin ang mga base militar ng Amerika sa Pilipinas ay nagsilbi lamang aniyang maging magnet at naglalagay lalo sa peligro sa bansa sa magkaalyadong bansa na China at Russia na kapwa karibal ng United States. Ito ay matapos maiulat na may nuclear missile na ang Russia na nakatutok na rito. Nadagdagan pa ang pangamba ng professor sa balita ni Senador Imee Marcos na nakakita ito ng data na may mahigit 20 bahagi ng Pilipinas ang kasalukuyang target ng nakatutok na hypersonic missiles ng China.

Ang tinutukoy ni Simbulan na base militar ng U.S. ay ang nakapaloob sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites na ibinalik sa bansa ng Marcos administration matapos magsagawa ng sunod sunod na harassment at mas agresibong aksyon laban sa mga puwersa ng Pilipino at Pilipinong mangingisda ang China ng mga nakaraang taon.Nagmistula umanong forward bases ang naturang EDCA sites ng Amerika sa bansa, bagamat tiniyak ni Marcos na ang presensya ng mga naturang base militar ay bahagi lamang ng stratehiya na depensahan ang bansa mula sa external threats at hindi upang gamitin na pang opensiba sa anumang bansa.

Sa ngayon aniya ay walang pinakamabisa upang masolusyunan ang lumalalang tension sa pagitan ng Pilipinas at China sa agawan ng teritoryo sa WPS kondisyon ipagpatuloy ang diyalogo sa pagitan ng dalawang bansa.”Let’s keep on talking. Let’s keep exchanging words. Kahit na harsh words huwag lang war,” sabi ni Simbulan.

“I don’t think a war will be started by China. Siguro kung aatakehin sila may capability silang lumaban,I don’t think they will start it,” sabi ni Simbulan.

Kamakailan ay sinabi ni Dr.Cecilio Pedro, Presidente ng Filipino-
Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII) sa isang pahayag na sa tingin niya ay hindi magbabalak ang China na makipagdigmaan. Posibleng ang gusto lamang aniya nito sa Pilipinas ay joint oil exploration sa WPS.
Sa naganap na pakikipagdiyalogo ng mga representatives ng Foreign Affairs ng dalawang bansa kamakailan, ay muling naungkat ang balak na ito ng China sa bahagi ng EEZ ng Pilipinas.Ma.Luisa Macabuhay-Garcia