PHNOM PENH, Cambodia – Sumandal ang Pilipinas sa kahusayan ni Angel Otom nang humakot ng siyam na gold medals kahapon para sa kabuuang 27 sa 12th ASEAN Para Games dito.
Kinuha ni Otom, 19, ang kanyang ikatlo at ika-apat na gold medal sa Morodok Aquatics Center sa pares ng stunning victories sa women’s 50m butterfly at freestyle S5 events upang maging unang quadruple gold medalist ng bansa.
Higit na naging makahulugan ang tagumpay ng Olongapo lass nang magtala ng bagong Games record na 47.33 seconds sa 50m butterfly makaraang wasakin ang kanyang 48.07 performance noong nakaraang taon sa Surakarta, Indonesia.
Kapareho ng tagumpay ni four-gold winner Otom si woodpusher Darry Bernardo, na naghari sa men’s standard B2B3 competition upang kunin ang individual mint, gayundin ang team kasama sina Menandro Redor at Arman Subaste.
Ang mga naunang panalo ni Bernardo ay nagmula sa rapid individual at team noong
Linggo.
Maaari siyang maging most be-medalled Filipino athlete, kung hindi man sa buong Games, kung maidaragdag niya ang individual at team blitz gold medals ngayon sa Royal University.
Nagwagi rin ng gold sina Evaristo Carbonel (discus throw F11) at Jerold Mangliwan (200m T52) sa Morodok Techo National Stadium habang nag-ambag si tanker Ernie Gawilan ng gold sa 200m individual medley SM7.
Hanggang press time, ang Pilipinas ay nanatili sa fifth at nakakolekta na ng 27 golds, kulang na lamang ng isa para maduplika ang 28-gold haul nito noong nakaraang taon.
Naibulsa rin ni Gawilan ang silver medal sa 50m buttterfly (34.72), pumangalawa Singapore’s Wei Soong Toh (30.78). Nagkasya si Vietnam’s Nguyen Hoang Nha (34.84) sa third.
Pumangalawa si double-gold medalist Gary Bejino sa men’s 50m butterfly S6 event na napagwagian ni Thailand’s Aekkarin Noithat (34.48). Pumangatlo si Boonyarit Payungsakul, mula rin sa Thailand (39.02).
Namayani si Carbonel sa men’s discus throw F11 sa 25.67 meters, tinalo sina Brunei’s Awang Raduan-Awang Haji Mataha (20.99) at Cambodia’s Vann Chamroeun (14.92) sa warm up area ng Morodok Techo Stadium.
Samantala, nakopo ni Jesebel Tordecilla ang silver medal sa women’s javelin throw F55 na may 13.62 meters . Kinuha ni Vietnam’s Ngo Thi Lan ang gold medal (14.27m) habang naisubi ni Myanmar’s Htet Htet Aye ang bronze medal (11.68m).
Nagtala si Andrei Kuizon ng 19.03 meters sa men’s javelin throw F34-54 upang tumapos sa ikalawang puwesto sa likod ni Vietnam’s Vovan Tung (21.33m), habang third si Malaysia’s Taufik Nasirdin (13.19m).
Nagbigay rin ang athletics ng tatlong bronze medals mula kina Cendy Asusano, Jerome Fernandez at Arman Dino.
Pumangatlo si Asusano, isa pang doublegold winner, sa women’s discus throw F54 na may 13.46m.
Dinomina ni Vietnam’s Nguyen Thi Ngoc Thuy ang event sa 14.43m habang third ang kanyang kababayang si Tran Thi Tu (13.84m).
Si Fernandez (24.43) ay third sa men’s 200m T46 sa likod nina Indonesia’s Figo Saputra (23.39) at Firza Listianto (24.00).
Naorasan si Dino ng 23.55 seconds para magkasya sa third place sa men’s 200m T47 event.