SINORPRESA ng Filipinas, kinatawan ng reigning UAAP men’s champion National University, ang titleholders Thailand, 30-28, 25-23, 25-19, sa curtain-raiser ng 19th ASEAN University Games volleyball tournament sa Naypyitaw, Myanmar.
Ang panalo ay nagselyo sa puwesto ng mga Pinoy sa semifinals ng limang araw na torneo.
Makakasagupa ng Filipinas ang Malaysia sa huling araw ng pool action sa Miyerkoles, kung saan target ng mga Pinoy ang No. 1 ranking sa kanilang grupo.
Nagtapos ang Thais na may 1-1 record kasunod ng 25-14, 25-12, 25-21 paggapi sa Malaysians noong Martes.
Ang anim na koponan ay hinati sa dalawang pools sa round-robin preliminaries. Ang top two teams mula sa bawat grupo sa preliminaries ay aabante sa cross semis, kung saan makakaharap ng Pool A winners ang Pool B second placers at makakabangga ng No. 1 team sa Pool B ang Pool A runners-ups.
Ang Pool B ay binubuo ng Singapore, Indonesia at host Myanmar. Winalis ng Burmese ang Indonesians, 25-18, 25-16, 25-19, sa kanilang opener.
Nakatakda ang semifinals sa Huwebes, habang ang medal matches ay lalaruin sa Biyernes.
Ang volleyball ay isa sa 17 sports disciplines na pinaglalabanan sa ASEAN University Games na matatapos sa Biyernes.
Dalawang taon na ang nakalilipas sa Singapore, nagwagi ang Ateneo’s women’s at men’s volleyball teams ng bronze medals.
Comments are closed.