ASF SUMISIPA PA RIN, TULONG NG DA ‘DI SAPAT

INABOT na rin ng African swine fever (ASF) ang apat na barangay ng Misamis Oriental at Cagayan de Oro City.

Sa report, lumobo sa 689 ang mga baboy ang sumailalim sa culling operation kaya puspusan ang house to house visit ng task force upang matukoy ang mga baboy na kontaminado ng ASF.

Ayon kay Misamis Oriental Provincial Veterinary Office head Dr. Benjie Resma, naibaon na ang 441  baboy na unang nakumpirmang may ASF.

Ilalabas na rin umano nila ang isang executive order na nagbabawal ng pag-transport ng mga baboy sa buong lalawigan upang makaiwas na kumalat ito.

Sa pahayag naman ni City Veterinary Office head Dr. Lucien Anthony Acac, nakapaglibing na rin sila ng 248 na ASF contaminated na baboy sa iba pang barangay.

Bilang tulong sa mga naluging hog raiser, binigyan sila ng P2,000 cash assistance ng Department of Agriculture (DA) sa kautusan ni DA Secretary William Dar.

Ani Dar, hindi man sapat ang nasabing halaga ay makatutulong ito kahit paano.

Sa hiwalay na report, aminado ang Northern Mindanao Hog Raisers Association (NorMinHog) apektado ang produksiyon nila ng baboy dahil sa ASF.

Ayon kay NorMinHog Raisers Association President Leon Tan Jr., tatlong hog commercial farm na ang nalugi sa kanilang bayan kaya iniingatan nilang huwag nang makalabas pa ito.

Ani Tan, hindi pa nila kontrolado ang ASF ngunit may sapat pa silang suplay ng baboy hanggang isang taon.

Nangako ang NorMinHog na kaya pa rin nilang suplayan ang Kamaynilaan ng 750 hanggang 1,000 baboy bawat linggo. NENET L. VILLAFANIA

Comments are closed.