NAGHAHANDA na ang Philippine Women’s national basketball team para sa FIBA Women’s Asia Cup sa June sa Australia.
Ang Gilas Women ay galing sa kanilang second-place finish sa 32nd Southeast Asia Games sa Cambodia, at nakahanda si head coach Patrick Aquino na pabalikin sa aksiyon ang kanyang tropa.
“Siyempre it’s sad that we didn’t get the third straight gold [in the SEA Games], but I’m still proud and happy that we still performed until the last game,” sabi ni Aquino.
“Sana makabawi kami next time and hopefully continue pa ‘rin yung support ng mga sumusuporta sa women’s program,” dagdag pa niya.
Nagpasalamat si Aquino sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at umaasang patuloy nitong susuportahan ang Filipina dribblers.
Nagsimula nang mag-ensayo ang National Team nitong Lunes, at habang hindi pa nila isinasapinal ang kanilang paghahanda para sa torneo, batid ni Aquino na makakamit ng koponan ang tagumpay kung maglalaro sila nang may puso.
Ang Gilas ay nasa Group B kasama ang Australia, Japan, at Chinese Taipei. Nasa Group A naman ang China, Korea, New Zealand, at Lebanon.
Ang FIBA Women’s Asia Cup ay gaganapin mula June 26 hanggang July 2.