ASIAN GAMES AARANGKADA NA; MINIMUM NA 4 GOLDS TARGET NG PH

Abraham Tolentino

HANGZHOU – Hindi nagbago ang pagtaya ni Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino na mahihigitan ng Pinoy athletes sa 19th Asian Games ang kanilang ipinakita, limang taon na ang nakalilipas sa Indonesia. 

“Ganoon pa rin. Our target remains the same,” sabi ni Tolentino sa bisperas ng formal opening ceremonies ng Asian Games na naurong ng isang taon dahil sa pandemya. Sa Indonesia, ang Pilipinas ay nagpadala ng 272 atleta sa 31 sports, at nag-uwi ng 4 gold medals, 2 sa golf at tig-1 sa skateboarding at weightlifting, 2 silver at 15 bronze medals.

Sa pagkakataong ito, kabuuang 395 atleta ang ipinadala sa capital na ito ng Zhejiang province at sasabak sa 40 sports. Sa kabuuan, may record number na 12,417 atleta mula sa 45 bansa ang magba- bakbakan para sa 481 gold medals sa 40 sports. “Mininum of four golds. Okay na ‘yun,” sabi ni Tolentino habang naghahanda ang mga miyembro ng Team Philippines na narito na para sa opening ceremony sa Hangzhou Olympic Centre Stadium sa Sabado ng gabi. Sina skateboarder Margielyn Didal, gold medalist sa 2018 Asian Games, at pole vaulter EJ Obiena, ang Asian record-holder at ranked No. 2 ngayon sa buong mundo, ang magiging flag bearers ng bansa sa opening rites.

Noong 2018, ang lahat ng 4 golds para sa Pilipinas ay nagmu- la sa female athletes, kabilang ang nasa in- dividual at team golf, sa pangunguna ni Fil-Japanese Yuka Saso, at weightlifting na kaloob ni 2021 Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz. Sinabi ni Tolentino na inaasahang babawi ang male athletes sa pagkakataong ito. “Baka bumawi ang mga lalaki natin. We have EJ Obiena, Eumir Marcial in boxing, sa golf meron tayong magaling (Clyde Mondilla) and those in Esports,” anang Philippine cycling chief at Tagaytay City mayor.

Ang seremonya mula sa welcome show, traditional parade ng delegations, protocols at main artistic performance ay tatagal ng 115 minuto.

Ang PH delegation ay magsusuot ng Barong Tagalog na dinisenyo ni world-class Filipino icon Rodolfo “Puey” Quinones.