ASUSANO NAKA-GOLD SA SHOT PUT SA 11TH ASEAN PARA GAMES

SURAKARTA – Makaraang humakot ng walong ginto noong Martes, nahirapan ang mga Pinoy para-athletes nitong Miyerkoles kung saan si thrower Cendy Asusano lamang ang nakasungkit ng ginto para sa bansa sa women’s shot put F54 sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 11th ASEAN Para Games sa Manahan Stadium sa Surakarta, Indonesia.

Na-disqualify sa discus throw noong Martes dahil sa maluwag na strap sa throwing chair, matikas na bumalik si Asusano at nagwagi ng gold na may bagong personal best na 5.65 meters sa kanyang ika-4 na pagtatangka, kung saan binura niya ang kanyang dating marka na 5.50 meters sa 2017 Malaysian edition ng sportsfest.

Ito ang ikalawang ginto ng Pasig-based athlete sa tatlong events makaraang magwagi sa unang araw ng aksiyon sa 11-nation showcase para sa pinakamahuhusay na para-athletes sa rehiyon.

“Nabawi ko po ‘yong DQ (disqualification) ko kahapon ng Martes. Kinalimutan ko po para hindi ma-stress. Praise God at nanalo naman po,” sabi ni Asusano, na winalis ang lahat ng kanyang tatlong events sa Malaysian capital ng Kuala Lumpur, limang taon na ang nakalilipas.

Sa 5×5 men’s wheelchair basketball sa GOR Sritex Arena, sumandal ang Pilipinas sa malaking first half upang pulbusin ang Indonesia, 61-30, at maisaayos ang showdown para sa gold sa Thailand sa Biyernes.

Sumandal sa lalim ng kanilang bench, na-outscore ng Filipino cagers ang hosts, 34-14, sa unang dalawang quarters sa pagmartsa sa kanilang ikalawang panalo sa tatlong laro sa single-round series.

Base sa records na natipon ng Philippine Sports Commission at ng Philippine Paralympic Committee, ang Pinoy campaigners ay mayroon na ngayong kabuuang 14 gold, 13 silver, at 29 bronze medals para sa unofficial tally na fourth overall sa medal standings.

Sa Jatadiri Sports Complex sa Semarang, nagdagdag sina swimmers Roland Sabido at Arnel Aba ng silver at bronze medals, ayon sa pagkakasunod.

Si Sabido ay pumangalawa sa men’s 100-meter backstroke S9 event sa oras na one minute, 15.820 seconds, habang pumangatlo si Aba sa men’s 100-meter butterfly stroke S9 event sa 1:23.40.

Nag-ambag si Arman Dino ng silver sa hapon nang pumangalawa sa men’s 400-meter T46 race.

Nagwagi rin ng bronze medals sa para athletics sina King James Reyes, Andy Avellana at Marites Burce sa men’s 1,500-meter T46 race, men’s High Jump T42/T63 event, at women’s shot put F54. ayon sa pagkakasunod-sunod.

Nag-ambag din ang table tennis ng bronze sa pamamagitan ng Class 10 mixed doubles tandem nina Pablo Catalan Jr. at Minnie Cadag, kasunod ng 6-11, 8-11, 4-11 pagkatalo kina Indonesia’s Komet Akbar at Aminah sa semifinals.

Nagdagdag sila ng dalawa pang bronze sa Men’s Doubles Class 9 sa hapon na kaloob nina Benedict Gaela at Andrew Kevin Arandia at Pablo Catalan Jr. at Linard Sultan.

CLYDE MARIANO