KAHIT ayaw sana niyang makisawsaw sa namumuong relasyon ng ama ng kanyang anak na si Luis Manzano na si Edu Manzano at sa kaibigang si Cherry Pie Picache, napilitang magsalita ang Star for All Seasons na si Vilma Santos nang pilitin siya ng kanyang anak.
Mismong si Luis kasi ang nagtanong: “Ano ang iyong reaksiyon sa pagmamahalan ni Daddy O [term of endearment ni Luis kay Edu] at ni Tita Pie?” diretsahang tanong ni Luis sa kanyang ina.
Nabigla si Ate Vi. “Grabe ka! Ang daming nag-iinterbyu, hindi ko sinasagot, anak. Ang sabi ko, I don’t want… ayokong makialam sa isyu na ‘yan,” sagot ni Vilma.
“Silang dalawa ang isusunod ko sa Luis Listens,” sagot naman ni Luis.
“What’s important, I guess is, I’m happy,”ani kongresista ng Batangas. “You know naman si Eduardo, your dad, and Pie is a very close friend of mine. Ang importante lang is nandiyan ang respeto at pagmamahal, so I wish them all the best.”
Si Vilma ang unang babaeng pinakasalan ni Edu sa isang civil wedding sa Las Vegas, Nevada noong July 19, 1980 at naging anak nila si Luis, na isinilang noong April 21, 1981. Humantong ito sa diborsyo ngunit naging magkaibigan sila dahil sa kanilang anak.
Naging malapit naman sa isa’t isa sina Ate Vi at Cherry Pie nang magkasama sila sa pelikulang Bata, Bata… Paano Ka Ginawa? (1998), Anak (2000), at Ekstra (2013).— KNMartin