(Atienza tinabla ni Rep. Marcoleta) PANIBAGONG PRANGKISA SA ABS-CBN HINDI GAN’UN KADALI

Rodante Marcoleta

TALIWAS sa pagtiyak ni Deputy Speaker at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na sa 2021 ay posible nang makakuha ng panibagong legislative franchise ang ABS-CBN sa ilalim ng liderato ni House Speaker Lord Allan Velasco, para kay SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta ay dadaan pa rin ito sa butas ng karayom.

Ayon kay Marcoleta, isa sa pangunahing tumutol sa pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN, may karapatan ang TV network na muling mag-apply ng prangkisa sa Kamara subalit kung maaprubahan ito ay nakadepende sa maraming bagay, una na rito ay kung nagkaroon ng reporma, nagkaroon ng bagong management at kung natugunan na ang mga naging violations nito.

“Kung mag-apply sila pero ‘yung mga taong nasa likod nito ay sila-sila pa rin, ‘yung pasilidad ganoon pa rin, walang nakitang reporma ay baka hindi pa rin sila mabigyan ng franchise,”  giit ni Marcoleta.

Sinabi pa ng mambabatas na ang bawat isang probisyon sa prangkisa ng ABS-CBN ay hihimayin din isa-isa kaya kung siya ang tatanungin ay matatagalan pa bago sila mapagbigyan.

“‘Yung provision sa kanilang franchise mula Section 1 hanggang sa dulo ay susuriin nang mabuti, ito ay  pagtiyak na hindi na mauulit ‘yung mga naging violations kaya matatagalan pa bago ang sinasabing makakabalik sila sa ere,” paliwanag pa ni Marcoleta.

Matatandaan na una nang kinumpirma ni  Atienza na sa ilalim ng pamumuno ni Velasco ay maibabalik muli sa floor ang diskusyon sa pagpapalawig sa prangkisa ng ABS-CBN.

“I am really confident, justice will prevail by next year. They(ABS-CBN)  were maltreated, they were maltreated, they were eventually assassinated, so they should be given justice. Ako, I am just giving the new Speaker time to settle. Hindi naman natin puwedeng biglain, major battle, kauupo lamang niya. But I am not shying away from the responsibility and for the opportunity to come – that I’m working on – para maibalik natin ‘yung floor discussion. Hindi ‘yung special firing squad ang pumatay sa ABS-CBN, firing squad eh,” sabi ni Atienza.

Sinabi naman ni House Minority leader at Abang-Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano na pagpasok ng 2021 ay maaari nang maghain ng franchise renewal application ang ABS-CBN alinsunod na rin sa rules ng Kamara.

Maliban kay Atienza at sa Makabayan Bloc ilan pang mambabatas na sumusuporta at nagsponsor ng ibat ibang resolusyon at panukala para sa franchise renewal noon ng ABS-CBN ay sina  Reps. Sol Aragones, Lawrence Fortun, Mark Go, Rufus Rodriguez, Josephine Sato, Micaela Violago, Rose-marie Arenas, Loren Legarda, Vilma Santos-Recto at Joy Tambunting, ang dalawang sponsor na sina Paduano at Kabayan Partylist Rep. Ron Salo ay nag-withdraw ng kanilang support kalaunan.

Sa ngayon ay wala pang pro-ABS-CBN congressman ang naghahayag ng kanilang intensiyon na maghain ng panukala para i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN subalit kung pagbabayaan ang House rules ay maaaring hindi na maghain ng bagong aplikasyon.

Comments are closed.