BILANG atleta, higit at miyembro ng Philippine Team, karapatan nilang makamit ang lahat ng pangangailangan – mula sa allowances, kasuotan, kagamitan at pagsasanay sa lokal at abroad.
Kailangan ang mga ito upang maihanda ang sarili sa pagsabak sa international competition. Kung naibigay ang kailangan nila, tungkulin naman ng mga atleta na suklian ito ng karangalan para sa bansa.
Tunay na napakahalaga ng exposure at training sa abroad.
Ilang buwan nang nasa Italya ang premyadong pole vaulter na si Ernest John Obiena. Hindi man nakasikwat ng medalya sa nakalipas na Tokyo Olympics, humahakot ng medalya ang 21-anyos sa iba’t ibang torneo sa Europe at sa bawat pagkakataon ay naitatala niya ang bagong personal record at national mark.
Bago pa man nagpandemya, pabalik-balik sa Japan si artistic gymnast at floor exercise world champion Carlos Yulo para magsanay. Kinapos din siya sa Tokyo, ngunit sa nakalipas na World Championship ay naidagdag niya sa matikas na career ang gintong medalya sa vault event at silver sa parallel bar sa katatapos na World Championship sa Japan.
Nagdesisyon ang Team Hidilyn Diaz na manatili sa Thailand para mag-ensayo nang magsimulang tumaas ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Ang pagkawalay nang matagal sa piling ng pamilya ay nasuklian nang tanghaling kauna-unahang Pinoy na magwagi ng gintong medalya sa Olympics.
Napatunayan ng boxing, taekwondo at iba pang sports ang bentahe ng pagsasanay sa abroad.
Sa gaganaping Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam, plano ni Philippine Olympic Committee (POC) president at Rep. Bambol Tolentino na umalis ng bansa ang delegasyon isang linggo bago ang nakatakdang araw ng kompetisyon sa Mayo 12-23. Nais ni Bambol na makapaghanda ang mga atleta at maging pamilyar sa kagamitan at venue ng kompetisyon.
Tama naman, higit at ang bansa ang overall defending champion.
Ngunit, may balakid sa plano. Nakatakda ang national elections sa Mayo 10. Tulad ng ibang Pilipino, karapatan din ng mga atleta ang bumoto at pumili ng bagong lider sa bansa. Kung itutuloy ni Bambol ang plano, tila masusupil ang karapatang bumoto ng mahigit 600 na atleta.
May nakitang solusyon si Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez – ang Overseas Absentee Voting (OAV) o ang Local Absentee Voting (LAV).
Ngunit, pasok ba sa dalawang paraan na itinatakda ng batas ang mga atleta?
Hindi. Ngunit iginiit ni Fernandez, tumatayo ring Philippine Chief of Mission sa SEAG, na dahil sa pambihirang sitwasyon, posibleng mapagbigyan ang atleta. Maraming sports supporters sa Kongreso at sa Senado. Ang Senate Sports Committee chief na si Senator Bong Go ay 100% para sa sports.
Kabilang sa sektor na pinapayagan sa LAV ay mga miyembro ng kapulisan, militar at media na pawang may kani-kanilang gawain sa araw ng halalan kung kaya kailangan nilang bumuto ng mas maaga sa panuntunan ng LAV.
Ilan sa mga miyembro ng PH Team ay reserved sa AFP kaya sakop sila ng LAV. Subalit ang iba, nganga. Masasayang ang kanilang boto at mistulang inalisan ng karapatan ang mga atleta kung hindi sila mapagbibigyan na bumoto nang maaga sa ilalim ng LAV.
vvv
(Para sa reaksiyon at suhestiyon, ipadala sa [email protected]).