MARAMI na tayong naririnig at nakikita sa balita sa pagiging atrasado sa oras ng mga flight sa mga paliparan natin. Napakalaking abala dahil nagresulta ito sa pagkasira ng orihinal na plano na kahit na sinong mananakay ay apektado. Nalugi rin ang mga apektado ng delayed o cancelled flights dahil binayaran na nila ang connecting flight o in land tours bago pa man bumiyahe. Isang malaking abala talaga ang ganitong kaganapan.
Nakalulungkot na rito sa Filipinas, tila isang pangkaraniwang pangyayari ang pagkaantala ng iskedyul ng mga flight. Bilang resulta nito, halos siksikan ang mga pasahero sa paliparan.
Ganitong klaseng pangyayari ang nag-udyok kay Pangulong Duterte na bumisita nang biglaan sa Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Lunes upang tingnan ang sitwasyon ng pangunahing paliparan ng bansa matapos na magkaroon ng pagkaantala sa iskedyul ng ilang mga flight bunsod ng suspensiyon ng ground operation ng lahat ng NAIA terminal. Ang pagkaantalang ito na tumagal ng 2.5 oras ay dahil sa inisyung lightning red alert ng mga awtoridad ng nasabing paliparan. Sa kanyang pagbisita ay nasaksihan mismo ni Pangulong Duterte ang tindi ng epekto nito sa mga pasaherong nasa terminal. Bunsod ng kanyang nasaksihan, ipinag-utos niya ang paghanap ng solusyon sa suliranin ng kasikipan ng terminal.
Maging ako man ay nagkaroon na ng ilang karanasan ng pagkaantala ng iskedyul ng aking flight kaya alam ko ang nararamdaman ng mga pasaherong naapektuhan ng pangyayari noong Linggo ng gabi. Napakalaking abala at epekto sa orihinal na plano ng isang pasahero ang pagkaantala ng iskedyul ng flight lalo na para sa mga may connecting flight. Paano na lamang kung walang ekstrang budget ang pasahero para sa pag-book ng panibagong flight o para sa paghanap ng matutuluyan kung aabot ng isang buong araw ang epekto nito sa iskedyul ng pasahero?
Naging epektibo ang mga programa ng Department of Tourism (DOT) na hikayatin ang mga turista na bumisita sa ating bansa. Ayon sa datos, higit sa 2.2 milyong turista ang bumisita sa bansa sa unang tatlong buwan pa lamang ng 2019. Ito ay mas mataas ng 7.5% kung ikukumpara sa unang tatlong buwan ng nakaraang taon na nagtala ng 2.049 milyong turista. Tinatayang aabot sa 8 mi-lyon ang kabuuang bilang ng turistang bibisita sa ating bansa sa pagtatapos ng 2019 ayon sa nakasaad sa National Tourism Development Plan 2016-2022.
Napakaganda para sa turismo ng ating bansa na dinarayo tayo ng maraming turista mula sa iba’t ibang panig ng mundo ngunit kaakibat nito ang pagdagsa rin ng mga biyahero sa ating mga paliparan. Kapag pinagsama-sama mo ang bilang ng mga bumibiyahe, empleyado ng paliparan, mga naghatid ng mga bibiyahe, at mga nag-aabang sa mga pasahero sa NAIA, napakabigat tingnan at tila ba parating may kaguluhan.
Kung tama ang datos ng DOT, aabot talaga sa 8.2 milyong turista ang darayo sa ating bansa, kailangang magawan agad ng paraan na mas mapabuti ang kasalukuyang sitwasyon ng ating mga terminal.
Bunsod ng nangyari ay naalala ko tuloy ang planong isinumite ng samahan ng malalaking korporasyon noong nakaraang taon para sa rehabilitasyon ng apat na NAIA terminal. Ano na kaya ang nangyari rito? Sa aking pagkakaalala, nais ng samahang ito na palakihin ang mga terminal at magsagawa ng mga panibagong daan upang mas mapaluwag ang daloy ng trapiko sa mga paliparan. Layunin ng planong ito na dagdagan ng 47 milyon ang kapasidad ng paliparan sa loob ng dalawang taon at 65 milyon naman sa apat na taon.
Sa palagay ko, kailangan munang malampasan ng samahan ang burukrasyang pagdadaanan nito bago maisakatuparan ang nasabing plano nito. Sa pansamantala, bunsod sa pakikialam ng Pangulo sa problemang ito ay may pag-asa na mapaluwag ang apat na NAIA terminal. Tinitingnan ng adiministrasyong Duterte ang opsiyon na ilipat ang ilang mga biyahe sa Sangley Air Base sa Cavite sa kabila ng mga komento ng mga kritiko nito.
Hindi ito ang unang pagkakataon na naisipang gawing alternatibong paliparan para sa mga domestic na flight ang Sangley. Dati na itong iminungkahi ni dating Senator Mar Roxas, pitong taon na ang nakararaan ngunit hindi ito natuloy dahil sa kakulangan ng pansing ibinigay rito. Sa panahon ng kasalukuyang administrasyon ay mukhang magbabago ang ihip ng hangin dahil determinado si Pangulong Duterte na hanapan ng solusyon ang problemang ito.
Sa aking personal na palagay, nararapat lamang na ilipat na natin sa ibang paliparan ang malaking bahagi ng mga flight sa kung saan puwede upang mas matugunan natin ang lumalaking bilang ng mga turistang bumibiyahe sa araw-araw. Inaasahang magpapatuloy ang pagtaas ng bilang ng mga turista dahil sa pagsikat ng ating bansa bilang bansang maraming magagandang tanawin. Bilang epekto nito, lalong sisikip sa mga paliparan kung hindi tayo gagawa agad ng paraan.
Makikita sa datos na tumaas sa 45 milyon ang bilang ng mga bumibiyahe sa NAIA noong 2018. Kada oras ay tumataas ang mga airport slot sa 44 at ang bilang ng biyahe ay tumataas ng higit 14,000. Ito ay isang halimbawa ng kung paanong ang demand ay tumataas ngunit ang supply ay hindi makahabol.
Ngayon, tinitingnan ang Sangley Airbase bilang opsiyon na gawing alternatibong paliparan para sa operasyon ng mga turbo-prop. Ito ay inaasahang magpapagaan sa buhay ng mga biyahero. Hindi lamang maiibsan ang kasikipan ng NAIA terminal kundi makatutulong din ito sa pagbawas ng trapiko sa labas ng mga paliparan.
Sumang-ayon na ang airline companies na ilipat ang kanilang operasyon at ang operasyon ng turboprop sa Sangley kapag handa na ang imprastraktura rito. Tinatayang magiging handa na ito bago matapos ang taon.
Mahaba-haba pa ang ating babaybayin bago tuluyang masolusyunan ang suliraning ito, ngunit ako ay umaasa na magtutuloy ang proyektong ito basta’t matutukan lamang at mapahalagahan.
Comments are closed.