ATTY. VIC RODRIGUEZ BILANG EXECUTIVE SECRETARY, PANALO NG PILIPINAS

Joe_take

ISA marahil sa mga pinakamahirap na tungkulin ay ang maitalaga bilang executive secretary ng Pilipinas dahil sa laki ng sakop na trabahong ginagampanan ng posisyong ito.

Sa usaping pamahalaan, ang executive secretary ang siyang tagapangasiwa at tagapamahala ng buong operasyon ng gabinete, pati na rin ang lahat ng mga isyu at kaganapan na kailangangang pagtuunan ng pansin at daluhan ng pangulo.

Higit sa tungkuling ito, ang pagiging executive secretary ay pagiging salamin ng pangulo ng bansa, kaya naman tinatawag na rin ang tungkuling ito bilang “Little President” dahil sa mga panahong wala ang pangulo upang irepresenta ang bansa dahil sa iba pang mahahalagang kaganapan, ang executive secretary ang siyang sasalo sa tungkulin upang maging ating representante.

Dahil dito, kinakailangan ng bansa ng isang executive secretary na lubos na kilala ng pangulo at kilala rin nang lubos ang pangulo, maging ang mga gusto at ayaw nito, dahil siya ang magsisilbing boses ng bansa sa mga oras na ang pangulo ay nakatuon sa iba pang mahahalagang usapin.

Dagdag pa, kinakailangan din na maalam ito sa usapin ng pamahalaan, pati ang mga pananaw ng pangulo tungkol sa mga isyung politikal, usapang pang ekonomiya gayundin sa international policy.

Ang pamimili ng mga taong mamamahala sa bawat departamento ng bansa ay napakakomplikado, kung kaya kailangan ng masusing pagsisiyasat sa bawat karapat-dapat na indibidwal na maitalagang mamahala sa bawat isa nito.

Kaya naman maituturing kong isang malaking plus at magandang balita para sa bayan ang pagkakatalaga kay nAtty. Vic Rodriguez bilang susunod na executive secretary sa ilalim ng administrasyong Marcos, dahil bukod sa siya ang tumayong chief of staff ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ay siya na rin marahil ang may pinakaalam sa mga plano, plataporma at iniisip ng papasok na pangulo.

Dagdag pa, isa ring napaka-responsible, kagalang-galang na indibidwal, respetadong mahusay at batikan na abogado si Atty. Vic, bukod sa pagiging tagapagtaguyod ng pagkakaisa at pagkakaroon ng tinatawag na “unified movement” para sa Pilipinas.

Trabaho ng pangulo na piliin ang mga karapat-dapat na miyembro ng kanyang gabinete upang maayos na maisakatuparan ng kanyang administrasyon ang mga plataporma at programa nitong ninanais para sa bansa, at ang pagpili kay Atty. Vic ay hindi lamang sa pagsasaayos ng proseso sa gabinete ng administrasyong Marcos, kundi isa na rin itong maituturing na panalo ng ating bayan.

Nasaksihan natin ito sa kanyang propesyunalismo sa mga kaliwa’t kanan niyang pagharap sa napakaraming isyu para ilatag ang mga plataporma ni BBM, at ang kanyang depensa para sa president-elect ay sumasalamin sa kung paano niya rin kakayaning depensahan ang ating bansa sa mga isyung ating kakaharapin.

Bihira sa kasaysayan na mabiyayaan tayo ng isang mahusay na public servant at aking mariing pinaninindigan na si Atty Vic Rodriguez ay magiging mahusay, maasahan at matatag na kahalili ng pangulo para maisayos ang muling pagbangon ng bayan.