TODO suporta ang Rizal Provincial Police Office (RPPO) sa National Capital Region Police (NCRPO) sa pagbibigay ng proteksyon sa mga dadalo sa National Peace Rally ng Iglesia ni Cristo na gaganapin ngayong araw sa Quirino Grandstand sa Maynila.
Ayon kay Rizal PPO Director PCol. Felipe Maraggun, 50 pulis mula sa kanyang command ang kanyang idineploy sa Quirino Grandstand upang tumulong sa Metro cops na magbibigay ng proteksyon at seguridad mga milyon-milyong dadalo sa peace rally.
“Yes, around 50 policemen ang idineploy ko para tulungan ang Manila police sa pagbibigay ng seguridad at kaayusan para sa peace rally sa Quirino Grandstand,” ayon kay Maraggun.
Bago dineploy ay nagtalaga ng team leader si Maraggun para sa tamang pagganap bilang augment force.
Magugunitang mismong si NCRPO Director Brig. Gen. Anthony Aberin ang nagsabi na halos 4,500 na pulis mula sa kanyang command ang ipapakalat sa mismong pagdarausan ng peace rally sa Manila.
Habang maaari namang pumalo sa 10,000 ang kabuuang pulis na magbabantay sa kaayusan ng nasabing okasyon dahil inaasahang may mga augmentation forces din sa ibang police command.
Samantala, nanawagan din si Maraggun sa mga dadalo sa peace rally na maging maingat, alerto at mapagbantay laban naman sa mga mananamantala sa nasabing event.
“Maging alerto at maging maingat habang kaming mga pulis ay handang umalalay para sa kaayusan,” dagdag pa ni Maraggun.
Ang deployment ng 50 pulis mula sa Rizal PPO aniya ay bilang pagtugon sa kautusan ni PNP Chief, Gen. Rommel Francisco Marbil na alalayan ang mga dadalo sa peace rally ngayong araw.
EUNICE CELARIO