SINIMULAN na ng Department of Agriculture-Bureau of Plant Industry (DA-BPI), katuwang ang National Plant Quarantine Services Division (NPQSD), ang pag-export ng sariwang Hass avocado sa South Korea.
Isinagawa ang ceremonial send-off sa KTC Port Tibungco, Davao City noong Setyembre 30. Opisyal na ipinahayag ng Pilipinas noong Setyembre 25, 2009 ang layunin nitong mag-export ng sariwang Hass avocado sa South Korea, bilang pagtugon sa kahilingan ng Dole Philippines.
Sinelyuhan naman ng Department of Animal and Plant Quarantine Agency (APQA) ng Republic of Korea at DA-BPI ang isang makasaysayang kasunduan noong Hunyo 19, 2023 na nagkabisa noong Setyembre 8, 2023.
Ayon sa DA, ito ang simula ng mabungang relasyon sa kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa dahil sa wakas ay matitikman na ng mga mamamayan ng South Korea ang masustansiyang Hass avocado mula sa Pilipinas.
Ang paunang pagpapadala ng 3,040 na kahon ay tinatayang nagkakahalaga ng US$ 48,433, at inaasahang darating sa Pyongtaek Port, South Korea sa Oktubre 8, 2023.
PAULA ANTOLIN