AYAW MAKINIG NG MGA BATA?

BATA-4

Narito ang ilang paraan na maaaring subukan

(ni CT SARIGUMBA)

NATURAL sa mga bata ang ayaw makinig lalo na kung pinagsasabihan sila o may nagawang pagkakamali. Hindi naman natin sila puwedeng pilitin. Lalong hindi rin tamang bulyawan o sigawan ang mga bata.

Dumarating talaga ang stage na ayaw na ayaw ng mga batang napagsasabihan. Kaya naman, sa mga batang ayaw makinig, narito ang ilang paraan na maaaring subukan nang makuha ang kanilang atensiyon:

GAWING POSITIBO ANG PAGSISIMULA NG USAPAN

Kung alam ng mga batang pagagalitan sila, talagang hindi iyan makikinig. Kaya’t makabubuti kung positibo o maganda ang ga-gawing panimula. Tukuyin o banggitin ang mga magagandang bagay na nagagawa niya.

Kapag nakuha na ang kanyang atensiyon, unti-unting simulan ang pagsasabi sa anak sa nagawang pagkakamali. Ipaliwanag din kung bakit hindi iyon maganda.

Malumanay rin ang ga­wing pagpapaliwanag nang hindi mainis ang anak.

PILIIN ANG MGA SALITANG GAGAMITIN

Palaging sinasabi sa akin ng partner ko na si Joel Pablo Salud, ang editor-in-chief ng Philippines Graphic na iwasan ko raw ang salita nang salita lalo na kapag pinagsasabihan ang limang taong gulang naming anak na si Likha.

Kapag marami raw ka­sing sinasabi, lalong maiinis ang bata at hindi makikinig.

Kaya’t mas mainam kung pipiliin ang mga salitang gagamitin. Huwag lili­tanyahan ng pagkahaba-haba dahil wala itong maitutulong upang ma­kinig ang inyong anak.

MAGING KALMADO GAANO MAN KA-STRESSFUL ANG SITWASYON

Ginawa na natin ang lahat—malumanay na pagsasalita, pagpapasensiya ng sobra-sobra—pero ayaw pa ring makinig ng ating mga anak kapag kinakausap o tinatanong.

Oo nangyayari talaga ang ganyan. Pero sa ganitong mga pagkakataon, kalmado tayo. Huminga ng malalim at isiping walang mabuting dulot kapag nagsungit o nagtaas ng boses sa anak.

Huwag nating ipakita sa ating mga anak na galit tayo. Lalo lamang silang maiinis at hindi makikinig.

Kaya’t kalma lang.

PAKINGGAN ANG SASABIHIN NG ANAK

Importante rin iyong nabibigyan natin ng boses ang ating mga anak. Kumbaga, pakinggan natin sila at hayaang magsalita o ­ipagtanggol ang kanilang sarili. May dahilan kung bakit nakagagawa ng hindi maganda ang isang bata. Kaya’t mainam din kung pakikinggan natin sila sa kanilang dahilan.

May mga magulang din kasing ayaw pakinggan ang dahilan o sinasabi ng anak. Basta’t nagagalit na lang.

Importante ang pakikinig lalong-lalo na sa relasyon ng magulang at anak. Mas pinatitibay nito ang samahan ng isang pamilya. Bukod sa komunikasyon o pag-uusap, dapat ding pinakikinggan natin ang saloobin ng bawat miyembro ng ating pamilya.

INTINDIHIN ANG KANILANG NARARAMDAMAN

Minsan, nakauubos naman talaga ng pasensiya iyong saway ka nang saway sa anak mo pero ayaw namang makinig. Mas lalo pa ngang nagiging pasaway o matigas ang ulo.

At para rin pakinggan tayo ng ating mga anak, matuto rin tayong pakinggan sila. Alamin din natin ang nararamdaman nila at in-tindihin ito.

Hindi lang nararamdaman natin ang dapat na isaalang-alang kundi maging ang nararamdaman ng ating mga anak. Kung dama nilang concern tayo sa kanila, mas pakikinggan nila ang mga sinasabi natin.

MAGING MABUTING EHEMPLO O HALIMBAWA SA ANAK

Mahilig manggaya ang mga bata. Kung ano iyong nakikita nila sa mga magulang o kasamahan sa buhay, ginagaya o ginagawa nila.

Dapat ay maging maingat tayo sa ating mga ikinikilos at sinasabi nang hindi magaya ng anak lalo na kung hindi ito gaanong ka-tanggap-tanggap.

Bawat magulang ay may kanya-kanyang paraan kung papaano palalakihin ang kanilang anak. Kung paano itatama ang mga na-gagawang pagkakamali. Kung paano didisiplinahin.

Wala nga namang hangad ang isang magulang kundi ang mapabuti ang anak. Gayunpaman, huwag din tayong masyadong mag-ing mahigpit sa ating mga anak. Iwasan ang pagiging perfectionist.

Iwasan din ang pagsigaw at pagpalo sa anak. Gaano ka man kagalit. Gaano man kalala ang sitwasyon. (photos mula sa 24h.com.vn, todaysparent.com at newser.com)

Comments are closed.