Mga pagkaing dapat na iwasan
(ni CT SARIGUMBA)
MAHIRAP nga namang pigilin ang sariling kumain. Napakasarap nga naman ang kumain. Pero maraming pagkaing kinahihiligan natin ang hindi mainam sa katawan. Kumbaga, nakabubusog nga pero nakapagpapa-taba naman o nagiging dahilan upang mapasama ang ating kalusugan.
Sa kahiligan nga namang kumain ng bawat Filipino, hindi maiiwasang madagdagan ang ating timbang o lumobo tayo. Kaya naman, dapat ay maging maingat tayo sa ating kakainin. At kung ayaw tumaba o gustong mapanatili ang hubog ng katawan, narito ang mga pagkaing dapat na iwasan:
FRENCH FRIES AT PIZZA
Kung mayroon mang pagkaing sarap na sarap tayo at laging kinatatakaman ng ating panlasa, iyan ang French fries at pizza. Ngunit ang dalawang ito na paboritong-paborito ng marami sa atin ay nagiging dahilan ng pagtaba.
Mataas ang taglay na calories ng French fries. Paano na lang kung naparami ang iyong kinain? Gaano na karaming calories ang nadagdag sa katawan mo?
Bawat handaan o pagtitipon, hinding-hindi nawawala ang pizza. Napakadali lang naman kasing umorder nito, masarap pa at napakaraming flavors na maaaring pagpilian. Napaka-popular nga naman ng pizza. Ngunit kagaya ng French fries, ang pizza rin ay kabilang sa mga pagkaing nakadaragdag ng timbang o nakapagpapataba. Mataas din ang taglay nitong calories. Mayroon din itong unhealthy ingredients gaya ng highly refined flour at processed meat.
Kung hindi mapigil ang pagkain ng pizza at French fries, gumawa na lang sa bahay nang masigurong healthy ito at walang sangkap na makasasama sa katawan.
MATATAMIS NA INUMIN AT PAGKAIN
Marami rin sa atin na kapag kumain ng pizza, hindi puwedeng mawala ang soda. Mas lalo nga naman nating nai-enjoy ang pagkain ng pizza at French fries kung mayroong soda o softdrinks.
Oo masarap ito ngunit ang soda o softdrinks ay kabilang sa unhealthy food sa mundo. Ito nga naman ang isa sa nangungunang dahilan kung kaya’t nadaragdagan ang timbang ng isang tao. At kapag hindi rin napigil ang sarili at madalas na umiinom nito, may masama rin itong epekto sa kalusugan.
May masama ring epekto ang matatamis na pagkain gaya ng pastries, cookies at cakes sa kalusugan kung sobra ang pagkahilig natin dito. Ang mga nabanggit na pagkain ay nagtataglay ng added sugar at refined flour. Ang ilan din sa mga ito ay nagtataglay ng artificial trans fats na maaaring maging dahilan ng pagkakasakit.
Sabihin mang napakasarap ng pastries, cookies at cakes, mataas naman ito sa calorie at mababa ang taglay na nutrients. Kaya’t kung nais na mapa-natili ang katawan at natatakot na tumaba, ang mga dessert na nabanggit ay kailangang iwasan.
ICE CREAM
Sa mga mahihilig sa matatamis, hinding-hindi nga naman puwedeng mawala ang ice cream sa listahan ng kanilang mga kinahihiligan.
Saan ka nga rin naman tumingin, mayroong nagbebenta nito. May iba’t iba ring flavor na talaga namang nakapagpapatakam sa ating panlasa.
Ngunit kabilang ang ice cream sa nakapagpapataba. Unhealthy rin ang ice cream dahil mataas ang taglay nitong calories at ang karamihan ay nag-tataglay ng maraming asukal.
At kung ang pagkaing kinokonsumo natin ay maraming asukal, malaki ang epekto nito sa ating kalusugan.
Hindi nga naman mabilang ang mga pagkaing kinahihiligan ng marami sa atin. Ngunit hindi rin lahat ng mga pagkaing nauuso o kinatatakaman ng ating panlasa ay maituturing nating healthy.
Kaya dapat lang na maging maingat tayo sa ating mga kahihiligang pagkain. At kung talagang hindi mapigil ang sariling kumain ng pizza, french fries, cookies, cakes, pastries at ice cream, maaari namang aralin ang paggawa nito at magluto na lang sa bahay. Sa pagluluto ay puwede ka pang guma-mit ng mga healthy na ingredients o sangkap.
Ingatan natin ang ating kalusugan. Dahil kung malakas tayo, mas sasaya tayo, gayundin ang ating pamilya. (Photo credits: Google)
Comments are closed.