Ayon sa DAR – P20/KILONG BIGAS POSIBLE SA 2023

INIHAYAG ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Bernie Cruz na maaaring makamit ang pagbaba ng bigas sa P20 kada kilo sa pamamagitan ng Mega Farm.

Ito ay matapos na ianunsiyo at ipangako kamakailan ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. na pabababain niya ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.

“From the studies we conducted in the mega farm project, we found out that not only is the P20-a-kilo rice achievable, but it will also be profitable for our agrarian reform beneficiaries (ARBs),” pahayag ni Cruz.

Sinabi ni Cruz, na siyang proponent ng proyekto, na ang konsepto ng Mega Farm ay ang pagsama-samahin ang maliliit na lote ng sakahan upang maging mega farms para sa produksiyon ng palay.

Aniya, ang Mega Farm ay isang kumpol ng magkadikit na mga sakahan na pinagsama-sama upang bumuo ng malaking plantasyon na may kakayahang gumawa ng malaking bulto ng mga produktong sakahan upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga mamimili.

Ayon kay Cruz, ang DAR ay nakabuo ng proyekto na tinatawag na “Programang Benteng Bigas sa Mamamayan” (PBBM) sa ilalim ng mega farm project.

Ayon naman kay Undersecretary David Erro, co-proponent ng mega farms, ang PBB ay magsisimula sa 150,000 ektarya ng lupang palay sa ilalim ng saklaw ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at sa mga katabing maliliit na lote nito.

Maaari aniyang makagawa ang 150,000 ektarya ng 142 kaban ng palay kada ektarya at taniman, kung saan ay kikita ang mga magsasaka ng P76,501.00 kada taon para sa mga ARB.

– EVELYN GARCIA