HANGGANG P50 billion ang nawala sa pamahalaan sa “fake receipt” scam na ginamit umano ng ilang malalaking korporasyon para makaiwas sa pagbabayad ng buwis, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na sa loob ng 15 taon, ilang “ghost” companies ang nag-ooperate para gumawa ng mga pekeng resibo na maaaring bilihin ng malalaking korporasyon na nais mandaya sa pagbabayad ng income tax.
Aniya, sa pagtaya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ay nagresulta ito sa pagkawala ng hanggang P50 billion.
“This is a systematic way of defrauding the government…These are income tax payments made with deductions, and in the deductions themselves are fake supporting documents,” wika ni Remulla
“Fake receipts are a scam. It is submitted to support the itemization of deductions. These are fake receipts being submitted to pass off as deductions which is a violation of the National Internal Revenue Code and the Revised Penal
Code,” dagdag pa niya.
Noong nakaraang Disyembre ay sinalakay ng National Bureau of Investigation ang isang condominium sa Quezon City na ginagamit bilang opisina at nakuhanan ng fake receipts at sales invoices.
Noong Marso, ang BIR ay nagsampa ng criminal complaints sa DOJ laban sa apat na ghost corporations na sangkot sa umano’y pagbebenta ng mga pekeng resibo sa malalaking kompanya.
Ayon sa mga opisyal, ang scheme ay nagresulta sa tax liabilities na hanggang P25.5 billion para sa taxable years 2019 hanggang 2021.