OPERATIONAL ang lahat ng airports sa Bicol Region — isa sa mga lugar na matinding hinagupit ni Severe Tropical Storm Kristine, ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista.
Ang Daraga, Virac, Masbate at Naga airports ay maaaring gamitin para sa air transport ng relief goods.
“We have CAAP (Civil Aviation Authority of the Philippines) personnel available to assist if ever there will be flights in these airports,” ani Bautista.
Noong Miyerkoles ay iniulat ng CAAP na operational ang Bicol International Airport (BIA).
Gayunman, sinabi ng CAAP na walang tauhan ng Cebu Pacific (CEB) at Philippine Airlines ang nakapasok dahil hindi madaanan ang mga kalsada patungong airport.
Ilang flights papasok at palabas ng Bicol Region ang kinansela mula Okt. 22 hanggang 23 dahil sa epekto at forecast proximity ni ‘Kristine’.
“Commercial flight operations have resumed at the BIA on Thursday, but CEB’s flights 5J 325/326 from and to Manila were canceled due to the cyclone,” ayon sa CAAP.
Samantala, walang pinsala na iniulat sa Virac Airport.
Isang mobile charging station ay inilagay sa labas ng main gate ng Naga Airport noong Miyerkoles upang tulungan ang mga nangangailangan ng power supply.
Sa parehong araw, may 43 indibidwal ang in-accommodate sa arrival area ng airport para magkaroon sila ng pansamantalang masisilungan.
“CAAP remains vigilant in ensuring the safety, security, and welfare of passengers.”
ULAT MULA SA PNA