MAAARING hindi magsuot ng face shield ang mga manonood sa loob ng mga sinehan, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Gayunman, sinabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na dapat ay laging suot ng moviegoers ang kanilang face mask.
Suportado rin ng OCTA Research Group, na nagsasagawa ng mga pag-aaral sa COVID-19 data, ang panukalang pagtatanggal ng face shield sa loob ng mga sinehan, na nakatakdang muling magbukas sa Nobyembre 10.
Bilang safety protocol, sinabi ni Castelo na required ang mga sinehan na mag-disinfect bago at pagkatapos ipalabas ang pelikula.
Sa ilalim din ng guidelines ng DTI, may 1 metro dapat ang pagitan ng mga manonood kahit pa sila’y magkakapamilya o magkakasama sa iisang tirahan.
Bawal din ang kumain sa loob ng sinehan pero maaaring uminom ng tubig para sa emergency o health purpose.
Ayon pa sa DTI, mga bakunado o fully vaccinated lamang ang maaaring manood ng sine.