(Ayon sa DTI) NOCHE BUENA ITEMS WALA DAPAT TAAS-PRESYO

HINDI dapat tumaas ang presyo ng Noche Buena products hanggang matapos ang holiday season.

Ito ang iginiit ng Department of Trade and Industry (DTI) makaraang tiyakin ng mga manufacturer na hindi na gagalaw ang presyo ng Noche Buena items hanggang matapos ang 2023.

“Sa kanila po kasi mismo nanggaling mismo ‘yong presyo at ang sinasabi nila dito sa price guide, hanggang December 2023, hindi sila magtataas ng presyo,” ayon kay Trade Assistant Secretary Amanda Nograles.

Ang pahayag ni Nograles ay sa gitna ng mga ulat na ilang supermarket ang mas mataas ang presyo ng ilang Noche Buena products kaysa sa itinakda ng DTI sa kanilang price guide.

Gayunman, nilinaw ni Nograles na ang price guide ay gabay lamang sa mga consumer at walang parusang maipapataw sa mga hindi susunod dito.

Ang maaari lamang aniyang gawin ng ahensiya ay ang kausapin at tanungin ang mga ito  kung bakit mas mataas sa guide ang presyo ng kanilang mga produkto.