KUMPIYANSA ang ilang eksperto sa ekonomiya at ang International Monetary Fund (IMF) na magiging maganda ang takbo ng ekonomiya ng Pilipinas sa 2024.
Ayon sa Executive Board Assesment, isinaad ng kanilang Executive Directors na matapos makarekober ng bansa sa nangyaring pandemya, ay nanatiling matatag ang ekonomiya nito dahil umano sa mga napapanahong polisiya at implementasyon ng pangunahing repormang makatutulong mapalakas ang exports, makahikayat ng foreign investment, at potensyal na pag-angat.
“The Philippines’ growth momentum started to moderate after a strong post-pandemic recovery. Growth moderated from 7.6 percent in 2022 to 4.3 percent in the second quarter of 2023, largely due to external headwinds, fiscal underspending, and normalization of pent-up demand,” ayon sa opisyal na pahayag ng IMF.
Base na rin sa IMF 2023 Article IV Consultation with the Philippines, sinabi ng Executive Board na “inaasahang makababawi ang real gross domestic product (GDP) sa “second half” ng 2023 at aabot sa 6.0 percent sa 2024, na suportado sa apag-arangkada ng public investment, at pinalakas na external demand para sa exports ng Pilipinas.
Mula naman sa artikulo galing sa Philippine News Agency (PNA), sinabi ni Carlos Manapat, chair sa economic department ng University of Santo Tomas (UST), na ang optimism ng IMF ay base sa mga expectation ng maraming private sector investment, makabuluhang government spending, at mataas na exports sa susunod na taon.
“If the IMF’s expectations come true, then its growth forecast for the Philippines is attainable,” aniya pa.
CHALLENGE SA MSME, ANG BACKBONE NG EKONOMIYA
Samantala, patuloy na kakaharapin ng Micro, Small, Medium Enterprises (MSME) sa 2024 ang mga naging hamon nitong 2023 na nakasabagal sa pag-angat at sustainability tulad ng bumabang paggastos ng mga konsyumer, nasirang supply chain, at maraming nasa sector ang patuloy na nangangapa sa digital transformation at nahihirapang maka-adapt sa bagong normal na sistema particular sa remote na pagtatrabaho at e-commerce.
Sa kabila ng pagharap sa mga challenge na ito sa taong 2024, makabubuting pagtuunan ng pansin na sumabay sa business trends, maging maalam na rin sa teknolohiya, pamamahala at alamin ang mga napapanahon sa global markets.
Palaguin ang kakayahan at kaalaman sa kung paano mapangalagaan ang pinansyal at katatagan sa pamamagitan ng paggamit ng modernong teknolohiya.
Sa huli, ang MSME pa rin ang magiging sandalan ng ekonomiya dahil sa patuloy na paglago nito sa tulong na rin ng magandang programa ng pamahalaan para sa sector na ito.
– CRIS GALIT