(Ayon sa LTFRB) PAMAMAHAGI NG FUEL SUBSIDY FUNDS ’DI EPEKTIBO

INIHAYAG ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Teofilo Guadiz III na hindi naging epektibo ang pamamahagi ng pondo sa ilalim ng fuel subsidy program ng gobyerno.

Ibinahagi ni Guadiz ang kanyang assessment sa pagdinig ng House Committee on Transportation nitong Huwebes matapos siyang tanungin ni panel chairman Antipolo City Rep. Romeo Acop kung naniniwala ang ahensiya na naabot nito ang mga layunin ng programa na ipinatupad dahil sa mataas na presyo ng petrolyo.

“Base sa datos, naniniwala kami na ang programa, sa pagtulong sa mga tricycle drivers at sa iba pang paraan ng transportasyon, hindi talaga namin maabot ang intensiyon ng batas nang ito ay ipasa,” ani Guadiz.

“Kulang na kulang po in terms of the dissemination of the funds… Ibig sabihin, hindi gaano effective ‘yung pagdi-disseminate ng funds,” aniya pa.

Aniya, ang LTFRB ang namamahala sa mga driver at operator ng public utility vehicle (PUV), ang mga tricycle driver ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of the Interior and Local Government (DILG), habang ang delivery service riders ay nasa ilalim ng Department of Information at Communications Technology (DICT) at Department of Trade and industry (DTI).

Noong 2023, sinabi ni LTFRB Executive Director Robert Peig na may kabuuang P1.57 bilyong halaga ng subsidies ang naproseso, kung saan ang LandBank ay nakapagkredito na ng P1.32-B.

Nasa P1.1 bilyon ang nagmula sa LTFRB, P154 milyon  sa DILG at P10 milyon  sa DICT/DTI.

Sa kanilang panig, sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na inilabas na ang budget para sa fuel subsidy program noong 2023 at 2024.

Sa ilalim ng fuel subsidy program, ang mga modernized PUV operator at driver ay tatanggap ng P10,000 habang ang mga nagpapatakbo ng traditional PUVs ay tatanggap ng P6,500.

Ang mga delivery rider at tricycle driver ay makatatanggap naman ng P1,200 at P1,000, ayon sa pagkakasunod.

Tinataya ng DOTr at ng LTFRB na aabot sa 1.36 milyong operators ang tatanggap ng subsidiya — 280,000 PUV, 930,000 tricycle, at 150,000 delivery service riders.

EVELYN GARCIA