MAKATUTULONG ang pagbabalik ng face-to-face classes sa buong bansa sa pagbangon ng ekonomiya mula sa COVID-19 pandemic, ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA).
Sa isang Palace briefing, sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary at NEDA chief Karl Kendrick Chua na ang pagbubukas ng lahat ng 60,743 eskuwelahan para sa in-person classes ay magbibigay ng dagdag na P12 billion kada linggo sa ekonomiya.
Ayon sa NEDA chief, bukod pa ito sa tinatayang P16.5 billion na madadagdag sa gross domestic product ng bansa kada linggo sa pagsasailalim sa buong Pilipinas sa Alert Level 1.
Ani Chua, ang P12 billion kada linggo na karagdagang economic output ay magmumula sa pagbabalik ng mga serbisyo sa paligid ng eskuwelahan tulad ng transport, dorms, food stalls, school materials at iba pa.
Aniya, ang Philippine economy ay nawalan ng P22 trillion para sa dalawang taong hindi pagsasagawa ng face-to-face learning.
“Around P11 trillion in productivity losses every year could be averted if in-person learning resumed nationwide.”
Sa kasalukuyan ay 1,726 paaralan o 2.9% ng lahat ng eskuwelahan sa buong bansa ang nagsasagawa ng in-person classes. Sa datos ng Department of Education, sinabi ni Chua na 6,213 iskul pa ang nakahandang magsagawa ng face-to-face classes.
“As the vaccination rate of children increases, opening all schools for face-to-face learning will provide a big boost to the economy and improve the learning and productivity of children,” dagdag ni Chua.