MAYORYA ng mga Pinoy ang pabor sa pag-ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa, ayon sa survey ng OCTA Research.
Sa pinakahuling Tugon ng Masa survey ay lumabas na sa 1,200 respondents, 83% ang sumagot ng “oo”, habang 12% ang nagsabing “hindi,” at 5% ang sumagot na “wala silang gaanong alam upang magbigay ng opinyon.”
Sa major areas, ang Balance Luzon (90%) ang may pinakamataas na agreement rating sa pag-ban sa POGO operations sa bansa, habang ang National Capital Region (20%) ang may pinakamataas na disagreement rating.
Ang non-commissioned survey ay isinagawa gamit ang face-to-face interviews mula June 26 hanggang July 1, 2024.
Lumabas din sa parehong survey na susuportahan ng 85% ng mga Pinoy ang mga kandidato na tututol sa operasyon ng POGOs sa bansa.
“Among major areas, Balance Luzon has the highest voting preference for the candidate who supports banning POGO operations in the country, with 93%,” ayon sa OCTA Research.
Sinabi ng OCTA Research na ang survey ay may ±3% margin of error sa 95% confidence level.