(Ayon sa SWS Survey) 48% NG PAMILYANG PINOY MAHIRAP

HALOS kalahati ng panilyang Pinoy ang naniniwalang mahirap sila, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas noong Martes. 

Lumabas sa non-commissioned SWS survey na isinagawa mula September 28 hanggang October 1 na 13.2 million o 48% ng pamilyang Pinoy ang nagsabing mahirap sila.

Tumaas ito mula sa 12.5 million o 45% na naitala noong Hunyo.

Ayon pa sa survey, 25 percent ang nagsabing hindi sila mahirap at 27 percent ang itinuturing ang kanilang sarili na nasa borderline.

Ang three-point rise sa nationwide self-rated poor figure sa pagitan ng Hunyo at Setyembre ay dahil sa pagtaas sa lahat ng lugar, kung saan ang Mindanao ang nagtala ng pinakamataas na pagtaas sa mga pamilya na naniniwalang mahirap sila sa 71%.

Ang self-rated poor families sa Balance Luzon ay tumaas din sa 39% mula 35%, habang sa Metro Manila ay umakyat sa 38% mula 35%.

Gayundin, ang mga pamilyang Pinoy na itinuturing ang kanilang sarili na mahirap sa Visayas ay tumaas sa 59% mula 57%.

Lumitaw rin sa parehong survey na 6.6 percent o 1.8 million na pamilya ang “newly poor”, nangangahulugan na hindi sila mahirap, isa hanggang apat na taon na ang nakalilipas.

Nasa 1.7 million naman o 6.1% ang “usually poor” at 9.7 million o 35.3% ang “always poor”.

Ayon sa SWS, ang “usually poor” ay yaong hindi mahirap, limang taon o higit pa ang nakalilipas.

Samantala, ang “always poor” ay yaong mga hindi nakaranas kailanman na hindi mahirap.

Ang third quarter 2023 SWS poll ay isinagawa gamit ang face-to-face interviews sa 1,200 adults na may edad 18 at pataas sa buong bansa na may tig- 300 sa Metro Manila, Balance Luzon, (o Luzon sa labas ng Metro Manila), Visayas, at Mindanao.

Ang sampling error margins ay ±2.8% para sa national percentages, at tig-±5.7% para sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.