HINDI sapat ang P35 dagdag sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila, ayon sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP).
Sa panayam sa GMA Integrated News’ Unang Balita, sinabi ni TUCP legislative officer Paul Gajes na ang P35 minimum wage hike ay kakarampot lamang para insultuhin ang mga manggagawa.
“Crumbs lang po ito. Barya-barya and crumbs to humiliate the workers. Kaya namin sinabi ‘yan, tingnan ninyo naman po, sadyang kulang na kulang talaga sa pang-araw-araw na gastusin ng ating manggagawang Pilipino,” dagdag pa niya.
Inaprubahanng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang P35 dagdag sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR), mula P610 ay magiging P645 na ito para sa non-agriculture sector.
Ang Wage Order No. NCR-25 ay nilagdaan noong Hunyo 27 at inilabas ng National Wages and Productivity Commission Lunes ng umaga. Magiging epektibo ang kautusan 15 araw matapos ang publikasyon sa national dailies.
Ipinaliwanag ni Gajes na ang P645 minimum wage ay hindi sapat para tugunan ang mga pangangailangan ng isang pamilya, base sa Pinggang Pinoy study ng Ateneo de Manila University.
“I was listening kanina doon sa mga interviews and some are happy about it. Pero kung tutuusin talaga, iisa ang sinasabi nila, may dagdag pero kulang,” sabi ni Gajes.
“’Yung isa, sabi pamasahe lang ‘yan. ‘Yung isa, sabi bayad utang lang. ‘Yung mga ganu’ng reasoning. So we can clearly see hindi talaga sapat,” dagdag pa niya.