AYUDA SA AGRI, FISHERIES SECTOR PINABUBUHUSAN NG P30-B STIMULUS FUND

AGRI-FISHERIES

UMAPELA si House Committee on Agriculture Chairman at Quezon 1st Dist. Rep. Mark Enverga sa bicameral conference committee na madagdagan pa ang ipinapanukalang P20 bilyon na stimulus package para sa mga nasa agriculture at fisheries sector ng bansa.

Ayon sa House panel head, ang nasabing pondo ay ilalaan ng pamahalaan bilang direct cash o loan interest subsidies at iba pang ayuda sa qualified agri-fishery enterprises, farmers at fisherfolks.

Ito ay nakapaloob sa tinatalakay ng Bicam na  Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2, na bukod sa pagkakaloob ng tulong pinansiyal sa mga magsasaka at mangingisda ay layunin ding mapatatag ang food security ng bansa sa gitna na rin ng nararanasang COVID-19 pandemic.

“While the measure is a positive step in addressing the effects of the pandemic, I am appealing for more fund allocation for the agriculture and fishery sector, hence this should be boosted and supported aggressively,” ayon kay Enverga.

Sa pananaw ng mambabatas, maaaring dagdagan ng hanggang P10 bilyon o hindi bababa sa P30 bilyon ang dapat na maging stimulus fund para sa agri-fishery sector.

Paggigiit ni Enverga, kumpara sa ibang sektor ng ekonomiya, ang agrikultura ay lumago ng 5 percent sa second quarter ng 2020 dahil sa magandang crops at fisheries production.

Indikasyon lamang, aniya, ito na malaki ang papel ng agrikultura sa socio-economic response ng COVID-19 pandemic recovery efforts ng pamahalaan.

Sakaling madagdagan ang pondo para sa sektor ng agrikultura at pangingisda, naniniwala si Enverga na marami ring trabaho at kabuhayan ang mabubuksan sa iba’t ibang panig ng bansa.   ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.