AYUDA SA CONSUMERS, EMPLOYEES AT BUSINESSES NAKAPALOOB SA BAYANIHAN 2

TATAK PINOY

DAHIL matinding hinagupit at patuloy na hinahagupit ng pandemya ang sektor ng kalakalan, isa mga prayoridad ng ipinasa  nating Bayanihan 2 ang maibangon ito at tiyaking tatanggap ng kaukulang tulong.

Bukod sa mga ayudang pinansiyal, may ilan ding non-monetary benefits para sa mga ito na makatutulong upang unti-unti silang makabawi sa kabila ng kasalukuyang krisis.

Sa totoo lang, po, talagang abot-abot na pagkalugi ang naranasan ng local businesses, lalo na ang MSMEs. Kung hindi maaagapan ang pangyayaring ito, tiyak, ang natitira nilang opsiyon,  magsara na lang dahil nga sumadsad ang kanilang negosyo dahil sa ilang buwang kuwarantina. At hanggang ngayon, hindi pa normal ang galaw ng ekonomiya.

Kaya para masiguro nating hindi naman sila tuluyang mawala at para maisalba rin natin ang kani-kanilang mga empleyado na posibleng mawalan ng trabaho, pinaglaanan  natin sila ng kaukulang ayuda sa ilalim ng Bayanihan 2.

Sa ilalim po kasi ng Bayanihan 2, halagang P55B ang inilaan sa low-interest loans at loan guarantees sa mga maliliit na nego-syante, sa mga OFW na nawalan ng trabaho, gayundin sa healthcare institutions. Ganyan po pinagtuunan ng dalawang sangay ng Kongreso ang mga sektor na ito upang ipadama sa kanila na may  pag-asa pa sa kabila ng mga pangyayaring ito sa atin.

At lilinawin rin  natin – sa ilalim ng batas na ito, mayroong 60-day grace period o dalawang buwang pag-aantala sa pagbabayad ng lahat ng existing, current at outstanding loans para sa mga utang na may palugit hanggang Disyembre 31, 2020.

Para naman sa mga bayarin sa utilities tulad ng  tubig, koryente, telecoms at iba pang tulad ng mga bayaring ito ay may 30-day grace period o isang buwang pag-aantala sa pagbabayad ng mga consumer sa kanilang bills na nagamit habang tayo ay naka-ECQ at MECQ.

Ganito rin po ang itinatalaga ng Bayanihan 2 sa residential at commercial rents. Ang lahat ng lessees ay  may 30-day grace period din sa kanilang pagbabayad ng upa dahil alam naman natin, ilang buwan tayong hindi nakapagtrabaho, hindi nakalabas ng bahay dahil sa quarantine. Inaatasan din ng batas na ito ang  mga may-ari ng mga paupahang bahay at commercial establishments na huwag tubuan ang rental fees ng mga nangungupahan sa kanila. Maging considerate din naman tayo dahil kahit sino po, talagang naapektuhan ang kabuhayan. Saan naman po kukuha ng pambayad ang mga nangungupahan kung suspendido ng ilang linggo o ilang buwan ang trabaho nila? Kaya ibinilang po natin ang probisyong ito sa ilalim ng Bayanihan 2 para naman pare-pareho tayong makahinga kahit paano.

At sa usapang buwis at iba pang charges, isinasaad din ng Bayanihan 2 na palawigin ang pagtatakda ng deadline sa pagbabayad ng buwis, fees at iba pang bayarin para sa mga lubhang naapektuhan ng community quarantine.

Inaatasan din po ng panukalang ito ang Securities and Exchange Commission at iba pang regulatory agencies na huwag patawan ng anumang penalty at iba pang non-monetary penalties ang business entities sa bansa na hindi agad makakapag-file o maka-comply sa compulsory notification at iba pang reportorial requirements.

Samantala, isa rin sa mga talaga namang bugbog-sarado ng pandemya ang creative sector. Kabilang po riyan ang film, performing arts, fashion and music. At dahil po riyan, nakasaad sa panukala na kailangang repasuhin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagpapataw  ng amusement tax sa sektor na ito. Unang-una, may umiiral na kapangyarihan ngayon ang Pangulo na suspendihin, bawa-san o kaya nama’y i-waive ang pagbabayad ng buwis sa loob ng anim na buwan.

Comments are closed.