AYUDA SA DISPLACED WORKERS TULOY SA ILALIM NG 2021 NAT’L BUDGET

Sonny Angara

PATULOY ang pagkakaloob ng tulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga manggagawang nawalan ng trabaho dulot ng pandemya.

Ito ang tiniyak kahapon ni Senador Sonny Angara, chairman ng Senate committee on finance, na nanguna sa pagpasa ng P4.5 trilyong national budget para sa susunod na taon.

Sa ilalim ng batas na lumikha sa 2021 national budget, patuloy na tatanggap ng tulong ang mga apektadong manggagawa sapagkat hanggang sa kasalukuyan, marami pa rin sa kanila ang walang trabaho.

“Marami pa rin sa ating mga kababayan ang nahihirapan dahil nawalan sila ng trabaho na dulot ng pandemya. Kaya dinagdagan namin ang pondo ng DOLE para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged or Displaced Workers Program (TUPAD) pati na rin sa Government Internship Program (GIP),” anang senador.

Ayon kay Angara, ang pondo para sa TUPAD at GIP ay tumaas ng halos 100 porsiyento. Mula, aniya, sa P9.93B proposisyon sa ilalim ng National Expenditure Program, umakyat ito sa P19.036 bilyon sa pinal na bersiyon ng 2021 General Appropriations Bill.

Ang TUPAD ay isang community-based package assistance na nagkakaloob ng emergency employment sa mga manggagawang nawalan ng hanapbuhay, gayundin sa mga underemployed at seasonal workers.

Sila ay binibigyan ng pagkakataong makapagtrabaho ng mula 10 hanggang 30 araw base sa kanilang skills o kakayahan.

Samantala, nilalayon naman ng GIP na bigyang pagkakataon ang mga nakababatang manggagawa na makapagsilbi sa mga pampublikong tanggapan ng gobyerno, mapa-lokal na sektor man o nasyonal.

Ani Angara, dahil sa ilang buwang lockdown at restriksyon sa galaw ng negosyo, pumalo sa 17.6 porsiyento ang unemployment rate sa bansa noong Abril. At dahil sa unti-unting pagbubukas muli ng ekonomiya at ng kalakalan sa kasalukuyan, bumaba ang unemployment rate sa 10% noong July hanggang 8.7% nitong Oktubre. Nangangahulugan na bagaman bumaba na ang unemployment rate, malinaw na mahigit 3 milyong Filipino pa rin ang nananatiling jobless at walang anumang ikinabubuhay dahil sa epekto ng pandemya.

Sinabi pa ni Angara na bukod sa TUPAD at GIP,  tatanggap din ng increased budget ang Adjustment Measures Program (AMP) ng DOLE. Mula sa orihinal na P391.61 milyong budget nito sa ilalim ng NEP, itinaas ito sa ilalim ng pinal na bersiyon ng GAB sa halagang P491.62 milyon.

Nilalayon naman ng DOLE-AMP na pagkalooban ng assistance package at iba pang uri ng suporta ang mga Filipinong nangangailangan ng tulong, tulad ng mga distressed workers at companies upang makaahon ang mga ito sa lugmok na pamumuhay.

Kabilang sa iba pang DOLE programs na nabigyan din ng budgetary support ang Integrated Livelihood Program, ang Special Program for the Employment of Students, job search assistance programs, ang child labor elimination program, at ang national skills registry system.

At para matulungan din ang mga OFW na nawalan ng trabaho dahil pa rin sa pandemya, sinabi ni Angara na dinagdagan din ng P200 milyon ang emergency repatriation fund ng Overseas Workers Welfare Administration.            VICKY CERVALES

Comments are closed.