AYUDA SA JEEPNEY DRIVERS PINABIBILISAN

JEEPNEY-8

UMAPELA sa pamahalaan ang mga jeepney driver sa Metro Manila na bilisan na ang pagkakaloob sa kanila ng cash subsidy.

Ayon kay Ka Orlando Marquez, pangulo ng Liga ng Transportasyon at Operators  sa Pilipinas (LTOP), namamalimos na ang mga driver  para lamang may makain ang kanilang pamilya.

Aniya, may kasamahan sila na naburyong na dahil sa kawalan ng makakain.

Himutok ni Marquez, halos dalawang buwan na ang enhanced community quarantine (ECQ) subalit nitong Biyernes lamang napag-usapan ang ibibigay na ayuda sa mga driver.

“Siyempre, gagawin ang lahat ng mga kasamahan natin para lang mabuhay nila ang kanilang mga anak dahil nga mayroon nang naburyong na tatay dahil nga ‘yung kanyang anak walang makain. Nagkasakit na, kaya ‘yung tatay nagkaroon na ng diperensiya sa pag-iisip. Sabi nga namin, sana ‘wag naman kaming tamaan ng COVID, kaso tatamaan naman kami sa gutom at doon naman kami mamamatay,” ani Marquez. DWIZ 882.

Comments are closed.