SA pinakahuling pakikipag-usap ni Pangulong Digong sa publiko, tinawag niya ang pansin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ito ay para sa agarang paghahatid sa tulong ng gobyerno sa mga Filipinong lubhang apektado ng month-long enhanced community quarantine.
Sa loob ng isang buwan, ’yung mga dating naghihikahos na umaasa lamang sa maliit na kabuhayan, lalo na ’yung mga nasa informal sector (vendors, magtataho, karpintero, tricycle or pedicab drivers, etc), mas lalo nang hirap sa buhay ngayon. Sila ’yung wala na halos makain sa araw-araw.
Dahil po riyan, tayo naman ang makikiusap sa DSWD na kung maaari, huwag kilos-pagong ang paghahatid-tulong. Sabi nga ng suki kong barbero, ‘h’wag patulug-tulog sa pansitan. Galaw-galaw!”
Nang pinirmahan po ni Pangulong Duterte ang Bayanihan to Heal as One Act, ipinag-utos niya ang mabilis na pagpapalabas sa emergency assistance.
Sa totoo lang po, huwag naman nating pahirapan ang mga kababayan natin. Hirap na hirap na nga sila sa buhay, baka naman kung ano-anong proseso pa ang daanan nila. Baka naman bago makarating sa kanila iyan, naghihingalo na sila sa gutom. Naligtas nga sa COVID, sa gutom naman pala mapapahamak.
Sa isinumiteng ulat po ng Malacanang sa Kongreso, muli nilang binigyang-diin na sa naaprubahang 2020 national budget, higit P140 bilyon ang ipinagkaloob na pondo sa DSWD.
Iyan pong halaga na ‘yan ay maaaring magamit ng ahensiya bilang response fund laban sa COVID-19. Gamitin na natin ‘yan sa lalong madaling panahon. Huwag na nating iparinig nang iparinig sa publiko na may pera tayo, tapos pinaghihintay lang naman sila nang napakatagal.
Alalahanin po natin, madalas, walang kinikilalang batas ang sikmurang butas. Dahil sa gutom, maaari silang makagawa ng ‘di tama. At huwag po nating hintaying mangyari iyon. May nabasa nga po tayong ulat, ganito na ang nangyayari sa bansang Bolivia. Nilalabag na ng mamamayan ang quarantine law dahil sa sobrang gutom.
Sa kabuuang P141.7 bilyong pondo ng DSWD, P108.7-B dito ay nakalaan sa 4Ps. Halagang P23.1-B naman ang para sa social pension ng senior citizens, P8.7-B para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at P1.2 bilyong quick response funds.
May pera tayo, Filipinas. Kaya walang dahilan para magpatumpik-tumpik pa ang gobyerno sa paghahatid ng tulong.
Sanay na ang DSWD sa mga ganitong sitwasyon. Ang pinagkaiba lang, nasa national emergency tayo ngayon kaya dapat mas mabiilis na aksiyon.
Nauna po rito ay nanawagan din tayo sa DSWD na huwag puputulin ang social pension ng seniors. At tayo naman po ay talagang natuwa dahil nagpahayag ang DSWD na tuloy-tuloy ang programang ito kahit sa kasagsagan ng kasalukuyang krisis sa bansa.
Kaya, tayo naman po ay nagpapasalamat sa nasabing ahensiya sapagkat mabilis nilang natugunan ang ating panawagan.
Higit sa pagkakataong ito, maging mapagkalinga tayo sa ating mga lolo’t lola, nanay at tatay dahil sila, lalo na kung sila ay senior citizens ang pinakamaselan ang kalagayan sakaling tamaan ng COVID-19. Kaya sana po, gawin natin silang prayoridad sa mga ayudang pinansiyal.
Sa mga kasamahan natin sa pamahalaan, ito na ang pagkakataon upang patunayan natin ang pagkalinga sa sambayanan – ito na ang panahon upang tuparin natin ang mga ipinangako natin sa taumbayan noong panahon ng halalan — ang tulong sa oras ng pangangailangan. Galaw na. Ngayon na. Huwag na tayong mag-aksaya ng oras.