HINIKAYAT ni Senador Win Gatchalian ang pamahalaan na bigyan ng ayuda ang mga guro at kawani ng mga pribadong paaralan na naapektuhan ng krisis dulot ng COVID-19.
Nagbabala si Gatchalian na ang kawalan ng suporta sa mga paaralang ito ay maaaring magdulot ng kanilang pagsasara, kakulangan ng mga guro, at lalong pagsikip ng mga pampublikong paaralan.
Panukala ni Gatchalian, isama ang mga guro at kawani ng mga pribadong paaralan sa Small Business Wage Subsidy (SBWS) program ng Department of Finance (DOF). Sa ilalim ng programa ay tatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 ang mga empleyado ng mga maliliit na negosyong apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Isinusulong din ni Gatchalian ang pagpapalawig sa programang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) na nabuo sa pamamagitan ng Republic Act 6728 o GASTPE Act. Layunin ng naturang programa na bigyan ng tulong pinansiyal ang mga mag-aaral at mga guro upang maiwasan ang pagsikip sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Gatchalian, kapos ang kakayahang pinansiyal ng mga pribadong paaralan upang mapanatili ang kanilang operasyon, pati na rin ang patuloy na pagpapasahod sa mga guro at kawani.
“Malaki ang naging epekto ng COVID-19 sa mga pribadong paaralan, pati na sa mga guro at kawani nito pero hindi pa rin sila kwalipikado sa mga ayudang ipinamamahagi ng pamahalaan. Bilang mga katuwang natin sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon, kailangang tulungan natin ang mga pribadong paaralan na makatawid sa krisis na kinakaharap natin,” ani Gatchalian, chairnan ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Comments are closed.