MAGANDA ang intensiyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, pero nagmistula itong MRT o ‘Mabagal ang Rollout ng Tulong’.
Nabuo ni Sen. Grace Poe ang nasabing termino sa kanyang pagbabahagi ng pagkadismaya ng publiko sa hindi pagpapatupad ng mga ayuda sa ilalim ng TRAIN law sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Ayon kay Poe, ang Tax Reform for Acceleration ay may kasamang Tax Reform for Acceleration and Inclusion, ibig sabihin, kabilang dito ang publiko na dapat walang maiiwanan, lalong-lalo na ang mga mahihirap.
“Ang nangyayari, imbes na TRAIN, nagiging MRT, Mabagal ang Rollout ng Tulong, ‘di ba MRT. So, palaging palyado sila, kaya nga imbes na acceleration at inclusion, mabagal ang rollout ng tulong, at talagang maling-mali iyon,” giit ng senadora.
Nauna rito, isang pagdinig ang isinagawa ni Poe, chairman ng Senate committee on public services, kaugnay sa epekto ng tax reform sa taumbayan.
Sinulatan ng senadora sina Finance Secretary Carlos Dominguez III, Transportation Sec. Arthur Tugade, Labor Sec. Silvestre Bello III, Social Welfare Sec. Virginia Orogo at Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chairman Martin Delgra III para magsagawa ng mga nararapat na hakbang para sa agarang paglalabas ng mga nakatakdang subsidiya.
Ang mga subsidiya ay mahalagang bahagi ng batas para maibsan ang bigat ng epekto ng nasabing batas, lalong-lalo na sa mahihirap na Filipino.
“Ang hindi natin dapat makalimutan ay ito, noong itong TRAIN law, kumokolekta na ang gobyerno ng kita diyan dahil nga ipinatong na iyan sa mga commodities, pero ‘yung tulong na dapat ibibigay nila—P24 billion po iyan na dapat ay ipinamamahagi sa mahihirap nating mga kababayan, naibigay na namin iyan sa budget last year pa—dapat by January naibigay na nila iyan. Pero hindi pa nila naibibigay dahil hanggang ngayon ay wala pang malinaw na guidelines,” sabi ni Poe.
“Unfair po iyon sapagkat ang pinakamahihirap na pamilya ay dapat makatanggap ng at least P200 more a month, maliit na bagay pero kahit papaano ay makatutulong iyan doon sa mga unconditional cash transfer beneficiaries,” dagdag nito.
Sa ilalim ng TRAIN law, magiging 10 milyon ang pinakamahirap na mga pamilyang makatatanggap ng unconditional cash transfer ng pamahalaan, mula sa apat na milyon. Gayunpaman, hanggang ngayon ay wala pang nailalabas na alituntunin para sa pagtukoy sa karagdagang benepisyaryo.
Itinatakda rin ng nasabing batas ang pagkakaroon ng subsidiya para sa mga namamasadang tsuper na apektado ng mataas na presyo ng krudo sa pamamagitan ng fuel vouchers. Sinabi ni Poe na may kabuuang P900 milyon ang inilaan para rito sa 2018 budget.
“Hanggang ngayon hindi pa maayos sa DOTr kung ano ba talaga ang detalye nito, so paano makakapagbigay ng diskuwento ang mga drivers natin—additional discounts sa senior citizens, sa mga estudyante, sa mga mahihirap bunsod nitong TRAIN law—kung hindi pa rin naibibigay sa kanila ang fuel vouchers nila,” aniya.
Inanunsiyo ni Poe na magsasagawa muli ang kanyang komite ng isa pang pampublikong pagdinig sa epekto ng TRAIN law sa susunod na buwan. VICKY CERVALES
Comments are closed.