AMINADO ang isang ina na tindera ng pritong manok sa kalye na naka-survive silang mag-asawa at ang pito niyang anak ng dahil sa tulong ng ayuda at ilang kamag-anak at kaibigan.
Ayon kay Nanay Jane Prias, 38-anyos na kasalukuyang tindera ng pritong manok sa kanto ng Acacia St. Cembo sa lungsod ng Makati na nagpapasalamat siya sa Panginoon sa kabila ng pandemyang dulot ng COVID-19.
Dahil sa lockdown, Pareho silang mag-asawang nawalan ng trabaho na pawang hindi naman nila kagustuhan at naghanap ng pagkakakitaan subalit talagang wala dahil na rin sa restriksyon na pinaiiral ng pamahalaan.
Kuwento ni Nanay Jane matapos na unti-unting pagluluwag ng alert status at pagbubukas ng ekonomiya ay nagkaroon sila ng trabahong mag-asawa.
Ngunit, bago pa man siya naging tindera ng pritong manok at rider ang kanyang asawa ay dati silang mga factory worker.
Nakabalik lamang sa pagtitinda ng mga pritong manok si Nanay Jane dahil sa nagbukas na muli ang negosyo ng kanilang amo.
At ang asawa naman niya ang delivery man ng isang kilalang kompanya na nagdedeliver ng mga produktong na-order online.
Sa kasalukuyang bukod sa kinikita ng kanyang asawa mula sa kanyang pagiging rider ay kumikita rin siya ng tatlong daang piso kada araw sa pagtitinda ng pritong manok.
Nagsisimula siyang magtinda ng alas-3 ng hapon at natatapos hanggang alas-10 ng gabi na kung saan talagang tiyaga at pagod ang kanyang ginagawa.
Dalawangpung taong gulang ang panganay ni Nanay Jane at ang kanyang bunso ay tatlong taong gulang na kabilang sa kanyang pitong mga anak.
Aminado si Nanay Jane na sa hirap ng buhay ay wala pa siyang napapatapos na anak subalit hindi naman siya nagkulang ng pagkalinga at pagmamahal sa mga ito.
Bahagi ni Nanay Jane na halos bumebenta siya ng tatlong libong piso kada araw sa kanyang pagpiprito ng manok kung dagsa ang mga bumibili.
Inamin din ni Nanay Jane na madalas na may tira siyang paninda subalit hindi naman ito nasasayang o itinatapon ng kanyang amo dahil itinitinda rin nila ito sa ibang mga kalye sa lungsod.
Mayroon kasing walong puwesto ng tindang pritong manok sa kanto ang kanyang among pinapasukan at ilan dito ay inaabot pa ng madaling araw sa pagtitinda.
Apat na taon nang nagtitinda si Nanay Jane at hindi madali ang sitwasyon dahil sa babad siya sa init ng isang kawa para sa pagluluto o pagprito ng mga manok.
Ang kanya kasing pritong manok na itinitinda at niluluto ay buo, kalahati, pecho, legs, pakpak, leeg at balat-balat .
Hindi kasi din pareho-pareho ang order ng mga customer dahil kailangan niyang muling iluto o initin ang kanyang nauna nang napritong manok.
Sa bawat order ng manok anuman ang parte ay mayroong libre sauce na kasama na gawa mismo ng kanilang kompanyang pinapasukan.
Isipin nating pasma ang numero unong sakit na nakukuha ng mga taong babad sa kalan o pagluluto tapos hahawak ng tubig.
Ngunit ang lahat ng ito ay tinatiyaga ni Nanay Jane para makatulong sa kanyang asawang naghahanapbuhay para maibigay ang pangangailangan ng kanilang mga anak.
Maliban kasi sa pagpiprito, kailangan din linisin ni Nanay Jane ang pinaglutuan ng mga manok na kawa at gayundin ang ilang mga kagamitang ginamit sa pagluluto at pagtitinda.
Para kay Nanay Jane walang mahirap sa kanya dahil lahat ng bagay ay kanyang gagawin para sa kaniyang pamilya.
Umaasa si Nanay Jane na isang araw ay makakahon din sila sa buhay at mapagtapos niya ang kanyang mga anak sa kabila ng kanilang kakarampot na sahod. CRISPIN RIZAL