LAGUNA – NATAGPUAN ng mga residente ang nakahandusay na bangkay ng isang babae na hinihinala umanong dinukot bago pinatay sa lugar ng hindi pa nakikilalang bilang ng mga salarin sa masukal na bahagi ng Brgy. Dita, bayan ng Liliw, kahapon ng umaga.
Batay sa inisyal na ulat ni PCapt. Raymund Alfred Osea, hepe ng pulisya, nakilala ang biktimang si Lailanie Alindogan, 35, with live-in-partner, residente ng Brgy. Pagsawitan, Sta. Cruz.
Sa imbestigasyon ni PSSgt. Ronald Pastoral, mayhawak ng kaso, dakong alas-5:30 ng umaga ng hindi inaasahang madiskubre ng mga residente sa lugar ang biktima malapit sa gilid ng kalsada.
May limang tama ng bala sa kanyang mukha at dibdib mula sa kalibre 9mm na baril na ginamit ng suspek kung saan patuloy na nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya sa kaso.
Samantala, isa sa mga residente ang nakarinig umano ng limang magkakasunod na putok ng baril mula sa pinangyarihan ng insidente dakong alas-11:30 ng gabi habang ang hinihinalang sasakyan ng mga suspek ay mabilisang tumalilis patungo sa bayan ng Pila.
Narekober ng pulisya sa biktima ang mga personal nitong kagamitan kabilang ang isang ID na nakapangalan sa isang Percival Mendoza na live-in-partner nito kung saan nasawi matapos umanong manlaban sa pulisya sa ikinasang drug buy bust operation ng mga ito sa Brgy. San Jose ng bayang ito nitong nakalipas na tatlong araw.
Kaugnay nito, sinabi ng Ina ng biktima sa Pilipino Mirror na nakaraang araw ng Miyerkoles ng huling makitang magkasama ang mga ito ang napatay na itinuturong drug pusher na si Mendoza at anak nitong si Lailanie kung saan hindi inaasahang mawala ito at hindi na nakabalik pa ng kanilang tirahan, samantalang isa ng malamig na bangkay ng ito ay matagpuan sa lugar. DICK GARAY
Comments are closed.