MAKATI CITY – SUGATAN sa aksidente ang isang babaeng Tsino makaraang mabangga ng mixer truck ang kanyang sinasakyang Grab car kamakalawa ng hapon sa Makati City.
Agad na dinala sa Makati Medical Center kung saan nilalapatan ng lunas ang mga pinsalang tinamo sa katawan ng biktima na kinilalang si Liu Jing, 24, naninirahan sa Alphaland Makati Place, Sen. Gil Puyat Avenue, Brgy. Bel-Air, Makati City.
Base sa report ng Makati City Traffic Bureau, nangyari ang insidente dakong alas-3:30 ng hapon sa EDSA/Kalayaan-Buendia flyover west bound lane sa Brgy. Bel-Air, Makati City.
Napag-alaman sa ulat na binabagtas ni Grab driver Jose Rodriguez Aquinas ang west bound lane ng Kalayaan flyover lulan ng kanyang minamanehong Mitsubishi Adventure na may conduction sticker na NN-2111 sakay ang kanyang pasaherong si Jing nang bigla silang banggain ng mixer truck na may numerong 571 na minamaneho naman ni Reyman Quiliquite Cosmiano, 27.
Nagtamo ng pinsala sa katawan si Jing dulot ng pagkakabangga sa kanyang sinasakyang Grab at agad itong naitakbo sa nabanggit na ospital. Hindi naman nasaktan si Aquinas sa insidente.
Agad namang sumuko sa rumespondeng pulis trapiko si Cosmiano na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to physical injury and damage to property sa Makati City prosecutor’s office. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.