LAGUNA – ISANG araw matapos ang masayang pagdiriwang ng Bagong Taon nang pagbabarilin hanggang sa mapatay ng isa sa dalawang hindi pa nakikilalang suspek ang babaeng incumbent brgy. kagawad ng San Vicente sa Lungsod ng Biñan, kahapon ng umaga.
Sinasabing sa harap mismo ng isang establisimiyento kung saan nagtatrabaho bilang isang dispatcher sa terminal ng mga pampasaherong jeep, pinagbabaril ng suspek ang biktimang kinilala ni PLt. Col. Danilo Mendoza, hepe ng pulisya na si Lorna Marfil, dalaga, at residente ng Purok I, lugar na ito.
Binawian nang buhay habang isinusugod sa pagamutan ang biktima bunsod ng ilang tama ng bala ng baril na tinamo nito sa kanyang katawan habang ang suspek na nakasuot pa ng helmet ay mabilis na tumakas lulan ng isang motorsiklo na minamaneho ng kanyang kasamahan patungo ng Brgy. Sto. Domingo.
Base sa pagsisiyasat ni Mendoza, dati aniyang nasangkot sa ilegal na droga ang isa nitong kapatid na lalaki kung saan pinaslang ito noong Enero 20, 2019.
Bukod aniya rito, posible umanong may kinalaman sa kanyang personal na gawain at negosyo ang isa sa tinitingnan na motibo ng mga ito sa krimen.
Kaugnay nito, patuloy na tinutugis at kinikilala ng pulisya ang tumakas na mga suspek sa pamamagitan ng kuha sa closed circuit television (CCTV) kabilang ang masusing imbestigasyon ng mga ito sa kaso kung saan may persons of interest na umano ang mga ito. DICK GARAY
Comments are closed.