(Baboy ligtas kainin) LAGUNA ASF-FREE

baboy

NAGTIPON ang maraming bilang ng Backyard at Commercial Hog Raisers para sumailalim sa isang Seminar upang mapanatili ang kalinisan at makaiwas sa pagdapo ng sakit na African Swine Fever (ASF) kasunod ang isinagawang boodle fight sa Brgy. San Josep, ba­yan ng Sta. Cruz, Laguna kamaka­lawa ng  umaga.

Isinagawa ang pagtitipon sa ilalim ng pamamahala ni Accredited Swine Breeder Association of the Philippines Vice President Phil Balota, Brgy. Chairman Ernesto Paglinawan, pamunuan ng Provincial Veterinary Office, Local Government Units (LGUs) at Department of Agriculture (DA) upang maipakita ang kaayusan at kalinisan kung kaya’t iwas sa nasabing sakit ng mga baboy.

Aniya, patunay ito na ligtas na kainin ang karneng baboy sa bayan ng Sta. Cruz at sa buong lalawigan dahil kontrolado ng mga ito ang pagpasok ng ASF Virus.

Ayon kay Assistant Provincial Veterinarian Dr. Michael Cortez, ito ang kauna-unahang Information and Dessimination Campaign (IDC) para maipakita sa mga consumer at mamamayan na ligtas na kumain ng karneng baboy sa lalawigan ng Laguna.

Kaugnay nito, patuloy pa rin ang inilatag nilang checkpoints sa boundary ng Jala-Jala, Rizal, Tanay at sa bayan ng Sta. Maria at sa iba pang lugar para mapigilan ang pagpasok ng mga biyahero.

Sinabi pa ni Cortez na baboy lamang ang naapektuhan ng ASF Virus at hindi kasama ang ibang uri ng hayop.

Ayon pa kay Cortez, marami rin biyahero ang nagagalit sa kanila dahil hindi nila pinahihintulutan ang pagpasok at paglabas ng biyahero ng mga baboy ng walang kaukulang permiso (Shipping Permit) mula sa tanggapan ng Veterinary Office, City at Municipal Agriculturist.

“ASF specifically ay para lamang sa baboy, kung infected ang karne at kinain ng tao walang epekto ito, delikado lamang yung left over na pagkain na kinolekta at ipinakain sa kanilang baboy, andu’n pa rin ang virus,”dagdag pa ni Cortez.

Gayundin, mahigpit na rin ang pagbabawal ng pagpapakain ng ka­ning baboy na isa ito sa kanilang precautionary measures kabilang ang Bio Security Proto Call dahil number one na carrier o ang nagdadala ng sakit ay ang mga biyahero.

Kaugnay rin nito, nagpahayag ng hinaing ang isang negosyante ng baboy (backyard hog raiser) na si Pilar Cayos na kung saan  malaking epekto sa kanila na hindi puwedeng ilabas ang baboy ng walang kaukulang permit.

Ani Cayos, dati ang presyo per kilo ng baboy  ay P110 hanggang P115, subalit ngayon ay nasa P95 at P80 na lamang.

At bilang patunay, umabot sa 16 na baboy ang kinatay at nilitson, 10 baboy na galing  sa Creekview Stock Breeding Farm Corporation at 6 naman sa Holiday Hills Stock Breeding Farm kung saan magkasalong kinain ito sa pamamagitan ng boodlefight ng nasa mahigit na 200 katao na mula sa pitong Barangay para ipakita ng mga ito na ligtas at maayos na kainin ang karneng baboy sa Laguna. DICK GARAY